Linggo, Abril 7, 2024

Sa paglubog ng araw

SA PAGLUBOG NG ARAW

kung sakaling palubog na ang aking araw
sana tagumpay ng masa't uri'y matanaw
kung sakaling araw ko'y pawang dusa't lumbay
ako'y magkagiya sa aking paglalakbay

lalo't tatahakin ko'y malayong-malayo
na di sa dulo ng bahaghari o mundo
kundi paparoon sa masayang hingalo
titigan mo ako hanggang ako'y maglaho

may araw pa't mamaya'y magtatakipsilim
na inaalagata ang bawat panimdim
basta marangal ang nilandas na layunin
ating papel ay di liliparin ng hangin

sa araw na palubog dadako ang lahat
tiyakin lamang na ating nadadalumat
ang kabuluhan ng danas, aral at ugat
sa bawat paglubog, may araw ding sisikat

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

* litratong kuha ng makatang gala malapit sa pinagdausan ng reyunyon, Abril 6, 2024

Maglulupa

MAGLULUPA

ako'y isang maglulupang tibak
laging handa kahit mapahamak
basta mapalago ang pinitak
at dukha'y di gumapang sa lusak

diwa'y tuon pa ring tutuparin
yaring yakap naming adhikain
yapak man ay aking tatahakin
upang pinangarap ay marating 

dapat maging matatag palagi
nang sa maling gawa'y makahindi
at sa wastong daan manatili
pag biglang liko'y dapat magsuri

magabok man ang mga lansangan
o mainit ang nilalakaran
tulad namin ay di mapigilang
kumilos tungong lipunang asam

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

Arawang tubo, arawang subo

ARAWANG TUBO, ARAWANG SUBO

sa kapitalista, isip lagi'y arawang tubo
upang mga negosyo nila'y palaging malago
sa dukha, saan ba kukunin ang arawang subo
ginhawa't pagbabago'y asam ng nasisiphayo

ay, kitang-kita pa rin ang tunggalian ng uri
iba ang isip ng dukha't iba ang naghahari
kalagayan nila'y sadyang baligtad at tunggali
lagi nang walang ulam ang malayo sa kawali

paano nga ba babaguhin ang ganyang sitwasyon?
paanong patas na lipunan ay makamtan ngayon?
may lipunang parehas kaya sa dako pa roon?
o dukha na'y maghimagsik upang makamit iyon?

lipunang makatao'y asam naming aktibista
kaya kumikilos upang matulungan ang masa
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
malagot ang tanikala ng pagsasamantala

walang magawa ang mga pinunong nailuklok
pinapanatili pa nila ang sistemang bulok
panahon namang ganid na sistema'y mailugmok
at uring manggagawa'y ating ilagay sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

Ulam na isda

ULAM NA ISDA

ang makata'y napaghahalata
mahilig ko raw ulam ay isda
may tsaa na, mayroon pag tula
bakit gayon? kami'y may alaga
tira sa isda'y para sa pusa

minsan, isda'y aking ipiprito
o kaya luto nama'y adobo
may toyo, suka't paminta ito
sibuyas at bawang pa'y lahok ko
kain ay kaysarap na totoo

pusang alaga'y laging katapon 
na sa bahay, amin nang inampon
natira'y bigay sa mga iyon
nang mabusog pag sila'y lumamon
alam n'yo na bakit ako'y gayon

ika nga, dapat magmalasakit
pusa man ay atin ding kapatid
kahit sila sa bahay ay sampid
may tuwa namang sa amin hatid
pag nawala, luha'y mangingilid

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

Plastik sa aplaya

PLASTIK SA APLAYA

reyunyon ng angkan malapit sa aplaya
upang salinlahi'y magkakila-kilala
kami'y nagdatinga't kumain ng umaga
hanggang magsimula na ang handang programa

hapon matapos ang programa't mga ulat
ay nagliguan na ang mag-angkan sa dagat
malinis ang buhangin, walang maisumbat
ngunit may natanaw pa ring plastik na kalat

wala namang nakitang coke na boteng plastik
liban sa pulang takip, tatlo ang nahagip
ganito nga marahil sa lugar na liblib
di gaya sa Manila Bay sa plastik hitik

tinipon na lang ang ilang plastik na ito
sa basurahan inilagak na totoo
saanman may kalikasan, kumilos tayo
pamana sa sunod na salinlahi't mundo

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa isang dalampasigan, Abtil 6, 2024