Miyerkules, Marso 6, 2024

Pangarap

PANGARAP

Ano nga ba ang tinatawag na pangarap?
Ang magkaroon ng kotse sa hinaharap?
Ang biglaan kang yumaman sa isang iglap?
Ang guminhawa ang tulad nating mahirap?
Ang mga pulitiko'y di na mapagpanggap?
O ito'y produkto ng ating pagsisikap?

Sa simple, sa pag-aaral ay makatapos
Habang nilalabanan ang pambubusabos
Ng mga dayuhan at kababayang bastos
Sa munting sabi, makaipon ng panggastos
Nang sa hinaharap ay mayroong panustos
At kamtin ng masa'y kaginhawaang lubos

Pangarap ko'y isang lipunang makatao
Na itatayo ng dukha't uring obrero
Pangarap ko'y di pansarili, di pang-ako
Kundi pambayan, pandaigdigan, pangmundo
Ibagsak ang mapang-aping kapitalismo
Tungo sa lipunang walang lamangan dito

- gregoriovbituinjr.
03.06.2024

Paano ka naging mahirap?

PAANO KA NAGING MAHIRAP?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas, natatawa tayo sa katotohanan. Minsan, akala natin ay patawa ang katotohanan. Marahil, dahil masakit mabatid ang katotohanan.

Nang dinaan sa comic strip ang katotohanan, tayo na'y napapangiti. Tila ba binabalewala natin ang katotohanan, at marahil ay ayaw pag-usapan ng malaliman upang mabigyan ito ng kalutasan.

Makikita iyon sa isang comic strip kung saan nag-uusap ang dalawang taong namamalimos.

Tanong ng una: "Paano ka naging mahirap?"

Sagot naman ng ikalawa: "Panay ang boto ko sa kawatan."

Napakapayak lang ng kasagutan. Kaya siya mahirap ay dahil panay ang boto niya sa kawatan. Maiisip tuloy natin ang mga pulitiko sa kasalukuyan na pulos pangako lamang, subalit madalas napapako. Mga trapong namimigay ng ayuda para maiboto sa halalan. Mga mayayamang tumutuntong lang sa iskwater o sa mga mapuputik na lugar ng dukha dahil sa kampanyahan, at matapos manalo ay hindi na nila ito binabalikan.

Boto lang ang habol ng mga pulitiko sa mga dukha. Iyan ang katotohanan. Dahil silang mga maralita ay malaki ang bilang. Sila ang madalas nating marinig na nakakatanggap daw ng limang daang piso kapalit ng boto. Silang ipinagpapalit sa limang daang piso ang tatlong taon na pagdurusa, o marahil anim na taon, mairaos lang ang ilang araw na pangkain ng pamilya, lalo na ng mga anak.

Bakit nga ba sila mahirap? Bumoto daw kasi sa kawatan. Anong dapat gawin? Huwag nang bumoto sa kawatan. Paano mangyayari iyon kung lagi silang binibigyan ng ayuda ng sinasabi nilang kawatan?

May kinatha akong kwento noon na pinamagatang "Ang Ugat ng Kahirapan" na ang pambungad ay ganito: 

"Noong ika-19 dantaon, nag-usap-usap ang mga kilalang tao sa lipunan upang talakayin kung ano ang ugat ng kahirapan. Ito’y dahil na rin sa pagkairita nila sa mga nakikitang pagala-galang pulubi at mga tambay sa lansangan, at ito’y masakit sa kanilang mga mata. Pag nalaman nila ang ugat ng kahirapan ay baka mahanapan nila ito ng lunas."

"Ang sabi ng isang mayamang negosyante, ang kahirapan ay dahil sa katamaran."

"Ayon naman sa isang mataas na pinuno ng isang relihiyon, naghihirap ang mga tao dahil ito ang parusa sa kanila ng Maykapal."

"Ang sabi naman ng isang guro sa isang kilalang pamantasan, kaya naghihirap ang marami ay dahil sa kamangmangan."

"Ayon naman sa hari, iyan na kasi ang kanilang kapalaran."

"Ang sabi naman ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, populasyon ang dahilan ng kahirapan."

"Ngunit lahat sila ay hindi magkasundo kung ano talaga ang ugat ng kahirapan. Kaya nagpasya silang magbuo ng komite para magsaliksik. Nagpunta sila sa iba’t ibang lupain upang hanapin at malaman ang kasagutan. Hanggang may nakapagsabi sa kanila na may isang mabuting taong nakaaalam ng ugat ng kahirapan at ano ang lunas dito. Kaya’t dagli nilang pinuntahan ang naturang tao. Paalis na ang taong iyon upang pumunta sa isang napakahalagang pagpupulong nang kanilang maabutan at abalahin. Agad namang nagpaunlak ang taong nasabi."

Sa kwento, may limang tinukoy na dahilan ng kahirapan - katamaran, parusa ng Maykapal, kamangmangan, kapalaran, at populasyon. At sa ngayon marahil ay maidaragdag natin bilang pang-anim ang pagboto sa kawatan kaya naghihirap ang tao. Mali ang kanilang ibinoto. Hindi nila kauri. Silang mga maralita ay bumoto ng mayayaman, masalapi, at makapangyarihan sa lipunan. Silang mga isda ay bumoto ng mga lawin upang mamuno sa kanila.

Hindi nila ibinoto ang mga kandidato nilang kauri, tulad ng manggagawa, maralita, vendor, driver, at kapwa nila mahihirap. Silang mga isda ay dapat bumoto sa kapwa nila isda upang pamunuan sila, dahil alam ng kapwa nila isda ang kanilang mga suliranin. Hindi tulad ng mga lawin o agila na binoto ng mga isda na walang alam sa pamumuhay at kalagayan ng kapwa nila isda.

PAANO KA NAGING MAHIRAP?

"Paano ka ba naging mahirap?"
ang tanong ng isang kaibigan
na tulad niya, hanap ay lingap
"Panay ang boto ko sa kawatan."

dahil komik istrip lamang iyon
ay natatawa tayo sa sagot
gaano katotoo ang tugon
ngiti nati'y wala na't bantulot

katotohanan ang kanyang sambit
na buto natin ay manginginig
pagkat sa kalooba'y masakit
pagkat dukha'y winalan ng tinig

kung isda ang mga maralita
at mga pulitiko'y agila
isda ba'y binoboto ng isda
o binoto'y di kauri nila

pag-isipan natin ng malalim
ang komiks na iyon ay matalim
pinakita gaano kalagim
ang sistemang karima-rimarim

03.06.2024

Nasaan ang Seria?

NASAAN ANG SERIA?

may bansang Seria ba't ito'y naglaho?
kaytagal hinanap, typo error lang
aba'y walang bansang Seria, wala po
kundi Syria, Syria iyon malamang

nagsanga-sanga sa palaisipan
ang YEMEN at SERIA na dapat SYRIA
sa titik E sila'y nagsangandaan
kung aayusin sa titik Y sana

baligtarin lang ang salitang YEMEN
at SERIA ay gawin agad na SYRIA
Y sa SYRIA ang simula ng YEMEN
kung nakita agad, maaayos pa

baka inaantok ang gumagawa
o kaya ito'y kanyang minadali
habol ang deadline, baka pa nangapa
o may problema't sa pagsinta'y sawi

- gregoriovbituinjr.
03.06.2024

Ulat: Patay sa sunog

ULAT: PATAY SA SUNOG

"Isang mag-asawa na senior citizen at dalawa nilang anak ang nasawi nang masunog ang kanilang bahay sa Brgy. Talon Dos, Las Piñas City, kahapon ng madaling araw."

"Sa ulat ng Las Piñas police, nagsimula ang sunog ng 2:38 ng madaling araw na umakyat lang sa unang alarma at naapula alas-4:36 ng madaling araw. Tinatayang aabot sa P7.5 milyon ang halaga ng napinsala. Inaalam pa ang sanhi ng sunog." ~ mula sa balitang "4 miyembro ng pamilya, patay sa sunog", pahayagang Pang-Masa, Marso 1, 2024, headline sa pahina 1 at ulat sa pahina 2

tinaguriang Fire Prevention Month ang Marso
dahil ba panay sunog sa panahong ito?
tulad na lang ng headline nitong Marso Uno
namatay sa sunog ay apat na miyembro
ng pamilya, nakalulungkot na totoo

ang Marso'y nakagisnang tag-araw, mainit
nagbabago man ang klima paulit-ulit
sa ganitong panahon, sunog ba'y malimit?
Fire Prevention Month ba'y paano makakamit?
upang di danasin ang sunog na kaylupit

pag nasunugan tiyak di mapapalagay
ang diwa't puso'y ligalig, tigib ng lumbay
tanging masasabi sa nasunugang tunay
kami po ay taospusong nakikiramay

- gregoriovbituinjr.
03.06.2024

Pinais na galunggong

PINAIS NA GALUNGGONG

madalas, nais ay pampagana
tulad ng pinais na galunggong
kaunti man ang tangan mong kwarta
ay masarap na kahit sa tutong

pagkat payak lang ang pamumuhay
sa madaling araw na'y gigising
kape ay papainiting tunay
habang sa asawa'y naglalambing

tiyak anong sarap ng agahan
pag mutyang diwata ang kasalo
ganito'y talagang tutulaan
ng pusong tumitibok ng husto

tara, tiyan ko na'y kumakalam
pinais na galunggong ang ulam

- gregoriovbituinjr.
03.06.2024