Linggo, Hunyo 7, 2020

Mas nais ko pang balikan itong matematika

mas nais ko pang balikan itong matematika
kaysa manood pa sa balitang nakakasuka
pulos karahasan, pulos patayan, walang kwenta
ilipat na lang iyang tsanel, wala na bang iba?

pulos trapo, manyanita, kawalang katarungan
nasaan ang pangarap na hustisyang panlipunan?
sa mga ulat, laging tagilid ang mamamayan
pati karapatang magsalita'y nais pigilan

kaya pag oras na ng balita't sila'y nanood
aalis na ako't ayokong doon nakatanghod
mas nais ko pang itong mukha'y sa aklat isubsob
sa matematika, pagbalik-aral ay marubdob

ang aldyebra't trigonometriya'y parang sudoku
geometriya ni Euclid ay dapat intindido
baka makapagturo pag nagagap muli ito
o baka makasulat ng teoryang panibago

paano unawain ang Riemann hypothesis?
na sinasabi nilang "one of maths's greatest mysteries"
paano tatagalugin ang simbolo sa Ingles?
ang jensen polynomial ba'y iba't walang kaparis?

sa tula'y paano mga ito ilalarawan
sinimulan noon ang blog na "usapang sipnayan"
sipnayan daw ang sa matematika'y katawagan
saliksik, sanaysay ko't tula'y dito ang lagakan

- gregbituinjr.
06.07.2020

Patuloy akong maglilingkod bilang aktibista

patuloy akong maglilingkod bilang aktibista
bagamat pinagtuunan din ang matematika
ika nga sa chess, kombinasyon ay estratehiya
kasabihan naman sa bilyar, isa-isa muna

subalit kailangang gawin anong nararapat
lalo't nagbabalik-aral din habang nagmumulat
bakasakaling may matanaw na pag-asang sukat
at mapasakan din ang nakitang anumang lamat

prinsipyong tangan ay patuloy kong iparirinig
sa panahon man ng kapayapaan o ligalig
dapat pa ring magsulat ng mga balita't tindig
at sanaysay o tulang sa puso'y nakakaantig

bilang aktibista'y patuloy akong maglilingkod
sa uring manggagawa't masang sa hirap hilahod
tutula't tututol, sa kapital ay di luluhod
pagkat ako'y aktibista hanggang sa aking puntod

- gregbituinjr.
06.07.2020

Pagsalubong kay Haring Araw

aba'y kay-aga kong sinalubong si Haring Araw
gayong umaga na'y damang-dama pa rin ang ginaw
ano kayang uulamin, ako kaya'y mag-ihaw
ng talong, habang humihigop ng malasang sabaw

tinutula ko ang damdamin sa aking diwata
na naririto't laging kasama kong minumutya
nagtataka siya't bakit lagi akong tulala
gayong siya'y sinasamba kong diyosang dakila

ang inulam ko lang kanina'y kamatis at tuyo
pagkat hinihintay ko ang masarap niyang luto
pag nagutom ako'y tila ba mata'y lumalabo
ngunit biglang lumakas nang luto niya'y hinango

sinusubukan kong tulain ang mga pormula
sa matematikang pag binalikan nga'y kayganda
kaya di na lang sudoku ang lalaruin, sinta
kundi magbabalik-aral din sa matematika

- gregbituinjr.
06.07.2020