MAYO UNONG WALANG 'INTERNASYUNAL'
(Mayo 1, 2011, Mendiola, Manila)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
taun-taon, ang Mayo Uno'y tinatapos natin
sa pag-awit ng Internasyunal, di binibitin
ngunit ngayong taon, di nakanta itong awitin
natapos ang rali nang ang misa'y natapos na rin
pinatugtog ang Internasyunal, biglang pinatay
sampung segundong pasakalye, akala ko'y tunay
babalik sana ako, ngunit agad nanlupaypay
ngayong taon lang, walang Internasyunal na alay
ngayon taon din lang, misa sa Mendiola'y dinaos
gayong wala tayong maaasahang manunubos
ang kaligtasan ng manggagawa'y nasa pagkilos
nasa internasyunalismong di dapat kinapos
nang dahil ba sa misa'y wala nang Internasyunal?
rali sa Mendiola ba'y tapusin na lang sa dasal?
may aasahan na bang Bathala ang nagpapagal?
Internasyunal na ba'y di dapat kaya tinanggal?
di na dapat maulit ang ganitong karanasan
ang manggagawa'y di na dapat muling maisahan
sa bawat Mayo Uno'y huwag nating kalimutan
ang Internasyunal para sa manggagawa't bayan
alipin ng gutom, bangon na sa pagkabusabos
pagkat sa atin ay walang sinumang magtutubos
ang Internasyunal ay awitin natin ng lubos
saanmang rali ng Mayo Uno tayo magtapos