Linggo, Nobyembre 15, 2015

Panawagang katarungan sa Paris

PANAWAGANG KATARUNGAN SA PARIS

Nasagap naming ulat ay sadyang nakagigitla
Ang lungsod ng Paris ay nabubo ng dugo’t luha
Kayraming inosenteng buhay yaong nangawala
Ah, nakalulungkot mabatid ang gayong balita

Pati pamilya namin ay tunay ngang nag-alala
Kaya maagap na tugon ay agad pinadala
Wala pa sa Paris, ipinaalam sa kanila
Kami pong naglalakad ay malayo sa disgrasya

At ipinapanawagan naming dapat makamtan
Ng mga inosenteng biktima ang katarungan
Patuloy na maglalakad, sa dibdib may takot man
Hanggang maabot namin bawat adhikaing tangan

- gregbituinjr
Kinatha sa banal na nayon ng Taize sa France, 15 Nobyembre 2015

Masukal ang lansangan patungong Taize

MASUKAL ANG LANSANGAN PATUNGONG TAIZE

Masukal ang lansangan patungong Taize
Umagang sabik kaming umalis ng Cluny
Labing-isang kilometro, dumating kami
Bago magpananghali, buti’t di ginabi

Dinaanan namin ay dawag, kabukiran
Akyat-baba, tambak ang dahong naglaglagan
Rantso, kayraming bakang inaalagaan
Hanggang ang tinahak na’y gilid ng lansangan

Sa banal na nayon ng Taize tumigil
At isinuko roon anumang hilahil
Sa aming adhika’y walang makapipigil
Lalo’t hustisyang pangklima ang umukilkil

Di ko malilimot ang nayon ng Taize
Ang pagdatal dito’y ipinagmamalaki
Banal na nayong nagsisilbi sa marami
Sana dito’y makabalik pa muli kami

-gregbituinjr
Kinatha sa banal na nayon ng Taize, sa France, 14 Nobyembre 2015