Huwebes, Abril 3, 2008

Minsan, sa isang pabrika

MINSAN, SA ISANG PABRIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KAPITALISTA:
Hoy, manggagawa, bilisan mo diyan
Produktong ginagawa'y iyong paspasan
Huwag tatamad-tamad, baka maapektuhan
Ang aking tutubuin na kinakailangan.

MANGGAGAWA:
Kinukuba nga nga ako sa katatrabaho
Ay di pa nakasasapat itong aking sweldo
Nang dahil sa minimithi mong tubo
Sa pagtatrabaho'y papatayin mo ako.

KAPITALISTA:
Hoy, ibig mo bang sisantehin kita
Hindi ka pa regular dito sa pabrika
Baka mamatay kang dilat ang mga mata
Kapag umangal ka sa'king ipinagagawa.

MANGGAGAWA:
Salapi'y kailangan kaya nagtatrabaho
Kinabukasan ng pamilya ang nasa isip ko
Hindi ako narito para lang alipinin mo
At kasangkapanin para ka tumubo.

KAPITALISTA:
Alalahanin mong akin itong pabrika
Lahat ng nais ko'y dapat na magawa
Paano na kung ang tubo ko'y mawawala
E, di, hindi na ako makapangingibang-bansa.

MANGGAGAWA:
Alam namin sa iyo nga itong pabrika
Pero sa amin naman ang lakas-paggawa
Kaya't mag-ingat ka sa pananalita
Dahil nga sa amin kaya yumaman ka.

KAPITALISTA:
Plano kong tumnungo sa iba't ibang bansa
magliwaliw doon sa Europa't Amerika
parelaks-relaks lang at pakanta-kanta
Tiyak na ang mundo kong ito ay sasaya.

Kaya't kung kahilingan mo'y pagbibigyan ko
Tyak na mababawasan itong aking tubo
Paano na kaya kung magkakaganito
Masisirang tiyak ang maganda kong plano.

MANGGAGAWA:

Aaah... kailangan na naming lumaya
Lumaya mula sa pagsasamantala
Pagsasamantalang itong dulot ng kapitalista
kapitalistang ito't dapat nang mawala.

Aaah... dapat na kaming makibaka
para itayo ang lipunang sosyalista
Dito'y lalaya ang uring manggagawa
Mula sa tanikala ng pagsasamantala.

ANG MAY-AKDA:

Kaya kung ganito ang nangyayari sa mga pabrika
Sadyang nakapanlulumo ang kahirapa't pagsasamantala
Kaya ang panawagan ko sa buong uring manggagawa
Makiisa't atin nang itayo ang lipunang sosyalista.

 - nalathala sa The Featinean folio, opisyal na publikasyong pampanitikan ng mga mag-aaral ng FEATI University, Summer 1997,at sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p. 8.

Kailangan Nati'y Paskong Mapagpalaya

KAILANGAN NATI'Y PASKONG MAPAGPALAYA
ni Greg Bituin Jr.

Kung totoong ang Pasko ay pagmamahalan
Bakit ang diwa nito'y para lang sa mayayaman
Hanggang ngayon ay laganap pa rin ang kahirapan
May Pasko nga ba para sa mga nahihirapan?

Mayayama'y nagpapalitan ng mamahaling mga regalo
Noche Buena nila'y hamon at masasarap na luto
Mga mahihirap nama'y salat, walang anumang luho
Walang mamahaling regalo at Pasko nila'y tuyo.

Ibang iba nga angPasko ng mga mahihirap
Sila na sa lipunan, sa iba'y di katanggap-tanggap
Niloloko pa nga sila nitong mga mapagpanggap
Pag malapit na ang eleksyon saka lang sila nililingap.

Ah, taun-taon na lang ay ipinagdiriwang
Itong kapaskuhang sadyang para lang sa mayayaman
Taun-taon laganap pa rin ang kahirapan
Ano nga ba ang diwa nitong kapaskuhan?

Ang Pasko'y hindi lang para sa mayayaman
Kundi ito'y para rin sa mga nahihirapan
Kung ang diwa ng Pasko ay totoong pagmamahalan
Tayo'y magrebolusyon, wasakin ang sistemang gahaman.

Ah, simulan nang baguhin ang mandarayang Pasko
Dahil pagkakapantay-pantay ang totoong layunin nito
Mahirap man o mayaman, magkakapatid tayo
Bulok na sistema'y baguhin na, alang-alang sa Pasko.

Kung atin nang maibabagsak ang mga kapitalista
Dahil nagkaisa na ang buong uring manggagawa
At tuluyang mawawasak ang mapang-aping sistema
Ito ang totoong Pasko, ang Paskong mapagpalaya.

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p. 8.

Ang Sakripisyo ng Dalawang Bata

ANG SAKRIPISYO NG DALAWANG BATA
ni Greg Bituin Jr.

(alay kina Jennifer Rebamontan, walong buwan, at Manuel Dorotan, Jr., isang buwan, na namatay matapos ang marahas na demolisyong nangyari sa kanilang tahanan sa C3 North Bay Boulevard South, Navotas, Oktubre 9, 2001, Martes)

O, kay-aga nitong inyong kamatayan
Itong mundo'y hindi n'yo na nasilayan
Dahil lang sa mga buwayang gahaman
Inilit na agad ang inyong tahanan.

Magulang n'yo'y pilit nilang ginigipit
Mawasak lamang ang tahanang kayliit
Sa kagustuhan na bahay n'yo'y mailit
Pati inyong buhay maagang inumit

Ni hindi dumaan sa tamang proseso
Itong demolisyong ginawa sa inyo
Sa batang gaya n'yo'y dapat isiguro
Ang kinabukasang dapat makatao.

O, sadyang kaylagim ng inyong sinapit
Sa magulang ninyo ay napakasakit
Hustisya ay dapat na inyong makamit
Dapat parusahan silang nagmalupit.

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p. 8.

Double-Talk (?)

DOUBLE-TALK (?)
TOTOO BA ANG IPINANGAKONG PABAHAY O DROWING LANG?

ni Greg Bituin Jr.
12 pantig

(Ipinangako niya'y 150,000 bahay noong SONA, pero bakit ginigiba ang mga bahay ng mga maralita kung kinakailangan palang magtayo ng bahay para sa mga maralita?)


Si Pangulong Gloria'y ating napakinggan
Sa una n'yang SONA'y kanya nang tinuran
Sandaan limampung libong kabahayan
Ang ipinangako ng pamahalaan
Upang mahihirap nating kababayan
Magkaroon nitong sariling tahanan.

Tanong nami'y bakit itong demolisyon
Ay patuloy pa rin, ano ba ang layon?
Pangako mong bahay, nasaan na ngayon?
Sa aming hinaing, nais nami'y tugon
Dapat nang itigil mga demolisyon
O baka nais mo'y isang rebolusyon?

Masa'y sadyang galit na sa kahirapan
Itaga sa bato ang aming tinuran!
Kung sadyang lingkod ka nitong sambayanan,
Pangako mo, Gloria'y iyong patunayan!
Hinaing ng masa'y agad mong pakinggan,
Kundi'y babagsak ka sa kinalalagyan!

- nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Oktubre-Disyembre 2001, p. 8.

Soneto sa Bigas


SONETO SA BIGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bigas ay pagkain nating pangunahin
Ngunit presyo nito ngayon ay sumirit
Daming tila di na kakain ng kanin
Presyo’y di na abot nitong maliliit.

Itong bigas nga ba sa merkado’y kulang
Gayong bansa natin ay agrikultural?
O dahil maraming mga mapanlamang
Tinago ang bigas nang ito’y magmahal?

Kapos sa panggastos, mata'y nanlalabo
Mababa ang sweldo ng mga obrero
Sabi ng negosyo, “Mahalaga’y tubo
Kung mahal ang bigas, ay, magutom kayo!”

Kung pagtaas nito’y gawang balasubas
Huwag tumunganga’t halinang mag-aklas!

Sampaloc, Maynila
Abril 3, 2008