Miyerkules, Pebrero 23, 2022

Pritong sunog

PRITONG SUNOG

pinrito ko'y nasunog na naman
noong may pumasok sa isipan
kaya ang kwaderno'y sinaglitan
isinulat ang napagnilayan

nasok sa diwa'y baka mapawi
kaya kumilos akong madali
nang maamoy ang nasa kawali
pinrito'y nasunog nang kaunti

ang gilid ng daing ay nangitim
napabayaan nang mahumaling
sa pagkathang tila ba nahimbing
nang magkasunog saka nagising

buti na lang, di sunog na sunog
at naagapan pa't di nadurog
dagli kong kinuha't di pa lamog
ang uulaming nakabubusog

- gregoriovbituinjr.
02.23.2022

Sa pagtingala

SA PAGTINGALA

nasa ulap ang iyong hiwaga
kaya pag bumagyo'y bumabaha
umaambon nang kabi-kabila
hanggang lumakas at maging sigwa

ang iyong ganda'y tinititigan
pagkat tanda ng kaliwanagan
tunay kang tanglaw ng santinakpan
sa iyong kayputing kaputian

kayrami mong kwentong di masilip
kahit pag-iisipa'y di malirip
hanggang bumagsak na lang sa atip
yaong tikatik mong halukipkip

sana sa iyo'y makapanganlong
di man pumatak sa aming bubong
sa himpapawid ay sasalubong
sa gayon, sa iyo'y makisilong

- gregoriovbituinjr.
02.23.2022

Kwentong imbi

KWENTONG IMBI

nabababad ba sa katuwaan
ang puso't diwa ng salawahan
di mo na sila mapagsabihan
dahil sa kanilang kalibugan

kanino na sila magtatanong
pag nakadama ng pagkaburyong
kung nais magsikain ng tahong
gayong kalan ay wala nang gatong

pag-iisipan ba ng masama
gayong kilala mong walanghiya
sa katapatan ba nila'y duda
kaya ilong nila'y humahaba

pakendeng-kendeng man ang inahin
ay huwag mong basta pupupugin
lalo't sila'y mga pangitlugin
doon sa munti nilang bukirin

lumayo pag walang pahintulot
para silang pusang nangangalmot
mabuti nang sa ulo'y kumamot
kahit magmukhang bahag ang buntot

- gregoriovbituinjr.
02.23.2022