Lunes, Mayo 2, 2011

Nasukol ng mga maka-Noynoy?

NASUKOL NG MGA MAKA-NOYNOY?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mukhang naisahan ang militanteng manggagawa
sa mismong Daigdigang Araw ng Paggawa
imbes na magrebolusyon ay manampalataya
imbes talumpati'y misa ang sinubo sa madla

sa makasaysayang Mendiola pa nangyari ito
lumabnaw na ba ang paninindigan ng obrero?
wala na ba ang tinatanganan nilang prinsipyo?
o naisahan lang sila ng galamay ng trapo?

mapagpalayang prinsipyo ba'y di na tumatagos?
kaya aasahan na'y Bathala o manunubos?
mananampalataya na lang ba ang mga kapos?
o kaligtasan ng manggagawa'y nasa pagkilos?

tila nasukol ng maka-Noynoy ang manggagawa!
natatakot ba si Noynoy na siya'y matuligsa?
dahil sa isyu ng manggagawa'y walang magawa?
paglabnaw ng araw na ito'y kaninong pakana?

di ko minamasama ang isinagawang misa
ngunit dapat sa simbahan ito, di sa Mendiola
sa loob kaya ng simbahan tayo magprotesta
panawagan nati'y RH Bill na'y agad ipasa

tiyak nang hindi papayag dito ang kaparian
tiyak nang tayo'y agad nilang ipagtatabuyan
kaya huwag ibigay sa kanila ang lansangang
binahiran ng dugo ng mga martir ng bayan

ang Mendiola'y kasaysayan ng maraming protesta
ang simbahan ay para sa mga nais ng misa
di pa lubos kung simbahan nga'y kakampi ng masa
laki ng abuloy nila'y mula kapitalista

ganito pa rin ba kaya sa susunod na taon?
misa na lang sa Mayo Uno imbes rebolusyon?
dapat lamang balikan natin ang totoong layon
kung bakit may Mayo Uno sa kasaysayan ngayon