Biyernes, Mayo 27, 2016

Hustisya sa Ating Guro nawa'y kamtin

HUSTISYA SA ATING GURO NAWA'Y KAMTIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nakaplano, nakahanda na ang programa
babasahin na lang, di pa mabasa-basa
tila baga binibitin ang pagproklama
upang upuan nila'y ibigay sa iba

ano bang nangyari't tinamaan ng lintik
bakit nag-uurong-sulong itong Comelec
sinong madyikero rito't nagmadyik-madyik
upang mangyari na yaong kahindik-hindik

patuloy kitang magmasid at makialam
may taga-Comelec kayang may pakiramdam
sana, at sana'y katotohanan ang alam
at sa madla, katotohana'y ipaalam

hustisya nama'y makamit ng Ating Guro
halina't magkaisa't huwag pagugupo

* nilikha at binasa ang tulang ito sa harap ng COMELEC habang nagsasagawa ng programa ang grupong ATING GURO, Mayo 27, 2016

Yaong di maalam gumalang sa babae

yaong di maalam gumalang sa babae
ay parang kulangot diyan sa tabi-tabi
nakadidiri silang dapat lang iwaksi
sa bayan mga tulad nila'y walang silbi

babae yaong inang sa atin nagsilang
babaeng pinagmulan ng sangkatauhan
huwag silang ituring na libangan lamang
kundi marapat lang mahalin at igalang

- gregbituinjr.