Lunes, Hulyo 4, 2011

Ang Mapagtanim

ANG MAPAGTANIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ang pagtatanim ay sadyang di biro
ngunit mapagtanim ay iba na po
pagkat pagkatao mo'y lumalabo
lalo ang kabutihang nakatago

ang mapagtanim ng sama ng loob
at sa kapwa niya'y laging may kutob
problema'y tila sa tiyan nakulob
pagkat ibang diwa ang nakalukob

kaya huwag kang basta magtatanim
sa loob mo ng nakaririmarim
pag-isipan mo't magsuring malalim
ang tamang gawin upang di manimdim

samang tinanim ay nakabubutas
ng sikmura't butong kakalas-kalas
paglago nito sa sikmura'y dahas
kaya sama ng loob mo'y ilabas

Iwasan ang Atakeng Personal

IWASAN ANG ATAKENG PERSONAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ang atakeng personal sa kasama
ay pagsira sa pagkatao nila
"ang pangit mo" ay mababaw na puna,
ang malalim naman: "utak ipis ka!"

bakit kailangan kang mamersonal
umaatake kang tulad ng hangal
inis kang ang sinasabi'y garapal
kami sa iyo'y di na makatagal

anumang problema'y pag-usapan n'yo
magkakasama kayo sa trabaho
iisa lang ang inyong kolektibo
magtapatan nang maayos ang gulo

problema'y ayusin n'yo ng harapan
nang atakeng personal, maiwasan
at nang trabaho'y umayos din naman
nang sumigla muli yaong samahan