Martes, Agosto 26, 2025

Mabuhay ka, Alex Eala!

MABUHAY KA, ALEX EALA!

mabuhay ka, Alex, mabuhay ka!
sa makasaysayan mong panalo 
sa U.S. Grand Slam Open Era
na taga-Denmark yaong tinalo

panalo mo'y sadyang iniukit
ng katatagan mo't kahusayan
sana naman ay iyong makamit
ang kampyonato mong inaasam

sa iyo, Alex, saludo kami
pinakita'y talino mo't husay
sana ang katulad mo'y dumami
na mga tennis player na Pinay

Alex, tunay kang kahanga-hanga
iniidolo na't inspirasyon
suportado ka ng buong bansa
sana'y maging ganap ka nang kampyon

- gregoriovbituinjr.
08.26.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 26, 2025, p.12

Saksakan ng yabang

SAKSAKAN NG YABANG

akala ko'y anong napagkwentuhan
napanood daw ba'y mga saksakan
akala ko'y may rayot, nagsaksakan
e, iba pala, saksakan ng yabang

ang ibig sabihin, mga palalo
sa pribadong pag-aari'y rahuyo
mamahaling sasakyang presyo'y ginto
akala'y kung sinong di mo mahulo

ngunit katas daw ng pondo ng bayan
ang sinabing mamahaling sasakyan
sino kaya ang politikong iyan?
o personaheng saksakan ng yabang?

buwis ng bayan daw yaong ginamit
ng diyaskeng sa kaban ay nangupit
sino sila, sinong dapat masabit?
ganyang sistema'y bakit nakapuslit?

dapat imbestigahan iyang sukat!
sa Barangay Mambubulgar, salamat
nasa komiks subalit bumabanat
sa mga isyung sa bayan nagkalat

- gregoriovbituinjr.
08.26.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 25, 2025, p.4

Salabat at pandesal

SALABAT AT PANDESAL

salabat at pandesal
sa umagang kayganda
kaysarap na almusal
at nakabubusog pa

kay-aga kong nagmulat
at nagtungong bakery
nag-init ng salabat
pandesal ay binili

ako lang ang kumain
mag-isang nag-agahan
mamaya'y susulatin
ko'y santula na naman

salamat sa salabat
pampaganda ng tinig
sa pandesal, salamat
pampagana ng tindig

- gregoriovbituinjr.
08.26.2025