Miyerkules, Oktubre 7, 2020

Ang bantayog ni Bonifacio sa Ibaloi garden


Munting bantayog na bakal bilang pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio na nakasulat sa baybayin, ang lumang paraan ng pagsulat ng Pinoy. Kuha sa Ibaloi garden, tabi ng Burnham park sa Baguio City. Isang tula ang aking kinatha hinggil dito:

Ang bantayog ni Bonifacio sa Ibaloi garden

may munting bantayog para sa bayaning magiting
si Gat Andres Bonifacio'y pinagpugayan man din
sa lungsod ng Baguio, at nasusulat sa baybayin
tabi ng Burnham park, sa loob ng Ibaloi garden

aralin mo ang baybayin upang iyong mabasa
ang naukit doong sa kanya'y pagpapahalaga
sa isang sanaysay niya'y naisulat pa niya
na baybayin ang panitik noong panahong una

matutunghayan mo iyon sa "Ang Dapat Mabatid..."
sanaysay ni Bonifacio't sa historia'y umugit
na bago dumating ang mga Kastila'y ginamit
ng ating ninuno ang baybaying sadyang panitik

minsan nga'y dalawin natin ang bantayog na iyon
at magbigkas ng kinathang tula ng rebolusyon
bilang pagpupugay sa kanyang may dakilang layon
lalo na't huwaran ng di pa natapos na misyon

- gregoriovbituinjr.

Huwag manigarilyo sa C.R.

huwag ka raw manigarilyo doon sa kubeta
at baka may nagbabawas doong may asma pala
maliwanag iyang mababasa sa karatula
kaya igalang ang karapatan sinuman sila

naisip ko lang naman, di ba't ang kubeta'y kulob
walang hangin, pag hinika ka'y baka masubasob
kaya pag-iingat sa kapwa'y gawing kusang loob
marahil gawin natin itong may pagkamarubdob

bakit sa kubeta pa? wala bang ismoking erya?
o baka mas maganda'y huwag manigarilyo pa
upang kapwa'y di na mausukan ng sunog-baga
maliban kung di magyosi'y kapusin ng hininga

bawat isa'y karapatan ang malinis na hangin
ayos lang kahit umutot ngayong may COVID-19
sakaling mapayosi ka'y huwag ka lang babahing
at baka magalit kahit dalagang anong lambing

- gregoriovbituinjr.

Magkano nga ba ang laya?

magkano nga ba ang laya? magkano ba ang laya?
bakit buhay ay binubuwis para sa adhika?
bakit ipinaglalaban ng uring manggagawa
ang makataong lipunang may hustisya sa madla?

ayaw nating tayo'y nasa ilalim ng dayuhan
o maging alipin ng kapitalistang gahaman
ayaw mayurakan ang dangal nati't karapatan
kaya pagsasamantala't pang-aapi'y labanan

magkano ang laya? bakit buhay ay binubuwis?
ina ng mga bayani'y tiyak naghihinagpis
laya'y inaadhika nang sa dusa'y di magtiis
lipunang makatao'y ipaglabang anong tamis

buhay ba'y kabayaran ng paglayang inaasam?
para sa sunod na salinlahi't kinabukasan
ah, alalahanin ang mga bayani ng bayan
na ibinuwis ang buhay para sa kalayaan

- gregoriovbituinjr.

* ang isang litrato'y kuha sa palengke sa Trading Post, at ang isa'y sa isang kainan, sa magkaibang araw, sa La Trinidad, Benguet
* akala ko nang kinunan ko ang unang litrato ay typo error lang, hanggang sa malitratuhan ko ang isa pa, na ayon kay misis, ang luya ay laya, na ang bigkas ay mabilis at walang impit

Makukulay na bahay

makukulay na bahay
ang napagmasdang tunay
makulay ba ang buhay?
ito lang ay nanilay

gigising sa umaga
na puno ng pag-asa
lalo'y may damang saya
laksa man ang problema

damhin ang kalikasan
at ang kapaligiran
mundo'y di basurahan
at dapat alagaan

ako pa rin ay ako
makata ng obrero
bawat tula'y alay ko
sa kapwa ko't sa mundo

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng maykatha sa Km. 3, Brgy. Balili, malapit sa boundary ng La Trinidad, Benguet at Baguio City

Ang Pluto

ANG PLUTO

noon, planetang Pluto'y kabilang sa solar system
sa higit pitumpung taon, ito ang batid natin
ngayon, ang Pluto'y tila sinipa ng anong lagim
tinanggal siya sa planeta sa solar system

Pluto'y natuklasan ni Clyde Tombaugh na astronomo
sa solar system ay dineklarang pangsiyam ito
turo ito sa paaralan, na naabutan ko
at ang solar system pa'y ginawa naming proyekto

pinangalan kay Plutong diyos ng kailaliman
mula sa mungkahi ng labing-isang taong gulang
na batang babaeng si Venetia Burney ng England
at ang kanyang suhestyon ang piniling kainaman

subalit ngayon, isang dwarf planet na lang ang Pluto
wala na siya sa solar system na kilala ko
International Astronomical Union, I.A.U.
ang nagpasiya at terminong planeta'y nabago

gayunman, natuto ako sa kanilang pagsuri
ang alam natin dati'y mababago ring masidhi
tulad ng anuman sa mundo'y ating nilunggati
mababago rin ang sistema't tusong naghahari

- gregoriovbituinjr.