Huwebes, Disyembre 3, 2009

Sinimulan ni Ondoy ang Laban

SINIMULAN NI ONDOY ANG LABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

nagdaang bagyong Ondoy yaong dahilan
ng mga demolisyon sa kalunsuran
mga dukha'y nataranta nang tuluyan
binagyo't tatanggalan pa ng tahanan

lumubog ang mga bahay noong bagyo
buong Kamaynilaan ang dinelubyo
kaya maraming tao ang naperwisyo
bagyo't demolisyon ang hinarap nito

sa lungsod kaytindi ng dumaang sigwa
at pinuntirya agad ang mga dukha
maralita'y nagmistulang mga daga
na basta na lang tatanggalin sa lungga

dukha ang agad sinisi sa delubyo
kaya demolis agad ang mga ito
dapat lang idaan sa tamang proseso
mga ginagawang demolisyon dito

nangyaring demolisyon ay sapilitan
at walang prosesong pinagdadaanan
basta't matanggal na agad ang tahanan
at sa danger zone na'y mawalang tuluyan

sunud-sunod na ang mga demolisyon
upang tanggalin yaong nasa danger zone
masama'y ililipat sila sa death zone
sa malalayo't gutom sa relokasyon

relokasyong sapat at malapit lamang
sa trabaho nyo ang dapat mailaan
kaya maralita, dapat kang lumaban
ipaglaban mo ang iyong karapatan

ipaglaban ang karapatang pantao
ipaglaban ang tahanan at trabaho
ipaglaban din ang kabuhayan nyo
o! maralita, magkaisa na kayo!

Bahay o Nitso?

BAHAY O NITSO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ano bang sa atin ay ibibigay nila
at sa ating bahay ay pinalalayas na
ibibigay ba'y ating ikaliligaya
bakit itatapon tayo'y sa malayo pa

gayong wala namang pangkabuhayan doon
kaya bakit payag tayo sa relokasyon
tatanggalin daw tayo doon sa danger zone
ngunit ililipat pala sa isang death zone

baka di bahay ang kanilang ibibigay
kundi nitso na lagakan ng mga patay
imbes sumaya tayo dito'y malulumbay
mulang lungsod ay dinala tayo sa hukay

ayaw namin ng kanilang nitsong tahanan
na handog sa dinemolis nilang tuluyan
ang nais namin ay pampamilyang tirahan
pagkat kami'y taong may puri't karangalan

O, Demolisyon, Layuan Mo Kami

O, DEMOLISYON, LAYUAN MO KAMI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod


(awitula sa saliw ng awiting "O, Tukso, Layuan Mo Ako")


kayrami nang winasak na tahanan
at kayrami pang matang pinaluha
kayrami ng batang nag-iiyakan
o, demolisyon, layuan mo kami

kayrami nang pagbabanta sa dukha
dapat daw kaming lumayas ng kusa
kung hindi'y damay kami sa paggiba
o, demolisyon, layuan mo kami

dinedemolis na ang aming bahay
inilalayo pa sa hanapbuhay
nadadamay pa pati walang malay
o, demolisyon, layuan mo kami

Ampatuan Masaker

AMPATUAN MASAKER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

A - Ako sa balita sa Maguindanao ay nagulantang

M - Mamamahayag at sibilyan ang doon ay pinaslang

P - Pilipinas ay muling nayurakan ang karangalan

A - At sa mata ng mundo'y siya ang pinag-uusapan

T - Tayong lahat sa masaker na iyon ay nagulantang

U - Utak ng masaker na iyon ay talaga ngang halang

A - At masasabi nating sa kapangyarihan ay buwang

N - Nahuli man sila'y di sapat sa hustisyang pambayan

M - Manawagan tayong makamit sana ang katarungan

A - At ang hustisya'y maging kakampi na ng taumbayan

S - Sistemang bulok sa Maguindanao ay dapat palitan

A - At mga political warlord ay pawiing tuluyan

K - Kaya halina't ating pag-isipan at pag-usapan

E - Ebolusyon ng warlordismo'y sistema ng gahaman

R - Rebolusyon laban sa sistema'y ating kailangan

Mga Utak-Pulbura

MGA UTAK-PULBURA
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

praktaktaktak... prakatakatak
naririyan na naman sila
silang mga utak-pulbura

praktaktaktak... prakatakatak
marami na namang pinaslang
ang mga kaluluwang halang

praktaktaktak... prakatakatak
tumatagas ang mga dugo
basag din pati mga bungo

praktaktaktak... prakatakatak
sila'y mga walang konsensya
sa pagpatay sila'y masaya

praktaktaktak... prakatakatak
krimen ang kanilang tinahak
silang pulbura na ang utak

praktaktaktak... prakatakatak
hulihin ang mga salarin
at sa hustisya'y panagutin

praktaktaktak... prakatakatak
ang makulong sila'y di sapat
bitayin sila ang mas dapat