Huwebes, Mayo 30, 2024

Tibuyo upang makaipon

TIBUYO UPANG MAKAIPON

napili ko'y labing-anim na aklat
pampanitikang nakahihikayat
basahin kaya pag-ipunang sukat
upang nagustuha'y mabiling lahat

presyo nito'y dalawang libong piso
na aking pagsisikapang totoo
iyong tingnan ang listahan at presyo
kung bakit nais ko ng gayong libro

di lang iyan pandagdag sa aklatan
kundi higit pa'y dagdag kaalaman
pagsuporta na rin sa panitikan
na naging buhay ko ring kainaman

tibuyo'y pupunuin ko ng barya
sampung piso o bente pesos muna
kakayod ako't kakayod talaga
sa pagkayod lang ako umaasa

- gregoriovbituinjr.
05.30.2024

Mga pinag-iipunan kong balak bilhing aklat sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF):

1 - ANG APAT NA HIMAGSIK NI FRANCISCO BALAGTAS - P100

2 - INTRODUKSIYON SA LEKSIKOGRAPIYA NG FILIPINAS - P200

3 - KAPAYAPAAN SA ILANG WIKA NG FILIPINAS - P100

4 - KASAYSAYAN NG MGA PAMAYANAN NG MINDANAO AT ARKIPELAGO NG SULU - P150

5 - LAPAT: ANTOLOHIYA NG MGA KONTEMPORANEONG KUWENTONG FILIPINO - P165

6 - MGA LEKTURA SA KASAYSAYAN NG PANITIKAN - P150

7 - POETIKA: ANG SINING NG PAGTULA NI ARISTOTLE - P100

8 - TALUDTOD AT TALINGHAGA - P150

9 - TESAWRO NG BATAYANG KONSEPTO SA KULTURANG FILIPINO - P200

10 - KULINTANGAN AT GANDINGAN: TUNOG SA PAG-USBONG NG PANITIKANG BANGSAMORO - P87

11 - MGA KUWENTONG BAYAN: TIMOG CORDILLERA - P78

12 - MGA TUMBASANG SALAWIKAING PAMPOLITIKA - P48

13 - PATNUBAY SA KORESPONDENSYA OPISYAL - P150

14 - PROBLEMANG MINDANAO: UGAT AT PAG-UNAWA - P45

15 - SERYE NG MGA PANAYAM SA DISKORS PANDMIDYA AT LITERATURA - P160

16 - SINSIL BOYS: 13 MAIKLING KUWENTO - P111

Labing-anim na aklat, nagkakahalagang P1,994.00 sa kabuuan.

Bardagulan sa walwalan

BARDAGULAN SA WALWALAN

muli nating natunghayan sa dyaryo
yaong pabalbal o salitang kanto
pagkat bumungad agad sa titulo

pamagat: "Bardagulan sa walwalan,
katropa nategi", iyo bang alam
kung ano ang ibig sabihin niyan?

nagkabugbugan habang tumatagay
isa sa kasamahan ang napatay
salita ng mga maton at tambay

umuunlad ang wikang Filipino
nagagamit pati salitang kanto
sa balita o pag-ulat sa dyaryo

sa partikular na lugar ay wika
na minulan ng tagapagbalita
na tiyak unawa ng mga siga

sa bokabularyo'y maidaragdag
sa glosaryo'y mga salitang ambag
na sa ating wika'y di naman labag

- gregoriovbituinjr.
05.30.2024

* ulat mula sa Abante Tonite, Mayo 26, 2024, p.3

Ano nga bang silbi ng 4PH?

ANO NGA BANG SILBI NG 4PH?

ano nga bang silbi ng 4PH
kung di sinasama ang ISF
may pabahay para sa iskwater
ngunit kung mayroon kang Pag-Ibig

pabahay na pang-underprivilege
at pang-homeless sang-ayon sa batas
ngunit para pala sa may payslip
na kayang magbayad ng regular

4PH ba'y may silbi sa dukha
o pinaaasa lang sa wala
dukha'y nais nang magpasalamat
kung iskemang ito'y walang lamat

pabahay palang ito'y negosyo
at di pala serbisyo sa tao
pag tatlong buwang di makabayad
sa bahay mo'y tanggal ka raw agad

dapat dukha'y magbigkis na tunay
nang may sosyalisadong pabahay
itatayo'y kanilang sistema
ng lipunang mayroong hustisya

- gregoriovbituinjr.
05.30.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa isang rali sa harap ng DHSUD
* 4PH - Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program
* ISF - informal setller families, bagong pangalan sa squatter

Tatlong buwang sanggol ang biktima

TATLONG BUWANG SANGGOL ANG BIKTIMA

pamagat ng ulat ay nakapukaw ng atensyon 
"Unthinkable": isang batang tatlong buwan lang ngayon
ay nabiktima na ng online sexual exploitation
mga nambibiktima'y dapat mahuli't makulong

aba'y paglabag na ito sa batas na OSAEC
bakit sanggol pa lang ay inaabuso na ng lintik
magulang ba ang maygawa o sila ang humibik
na anak nila'y biktima kaya sila'y umimik

bago iyon ay edad onse ang pinakabata
sa nabiktima ng ganyang kasong di matingkala
subalit ngayon ang sanggol na batay sa balita
naku, bakit ba ang ganyan ay nangyayaring sadya?

bakit bata pa lang ay biktima na sa internet?
dahil ba sa hirap kaya pati bata'y ginamit?
kahirapan ba ang rason ng naranasang gipit?
hanap ay pagkakakitaan, nakita'y kaylupit?

- gregoriovbituinjr.
05.30.2024

OSAEC - online sexual abuse and exploitation of children
* ulat mula sa pahayagang Tempo, Abril 26, 2024