Biyernes, Disyembre 15, 2023

Ang bantay

ANG BANTAY

di ka basta makaparada
pagkat anong higpit ng bantay
kahit pa ika'y bumusina
o sa daan pa'y maglupasay

pag nagpilit baka mangalmot
pag sasakyan mo'y hinambalang
ramdam mong nakakapanlambot
pag ganyang bantay ay kaytapang

kanino ba siyang alaga
baka gutom na sa maghapon
bigyan kaya ng pritong isda
nang siya'y maging mahinahon

ganoon nga ang ginawa ko
at nai-park ang motorsiklo

- gregoriovbituinjr.
12.15.2023

Kapoy

KAPOY

kailangan ko'y pampasigla
at di pampatay lang ng oras
upang matupad ang adhika
upang pagkilos ay magilas

kailangan ko'y pampagana
di iyang krosword o sudoku
upang maalpasan ang dusa
at pagkalugmok ng gaya ko

dapat kong balikan ang bakit
ng prinsipyong yakap kong tunay
ang pakikibaka'y di saglit
kundi adhikang habambuhay

kaya heto, nagpapatuloy
pa rin akong kapara'y langgam
kahit pa dama'y kinakapoy
upang kamtin ang inaasam

- gregoriovbituinjr.
12.15.2023

Kaybigat o kaygaan?

KAYBIGAT O KAYGAAN?

magwalis-walis agad
pag maagang nagmulat
kaypangit kung bumungad
ay naglipanang kalat

isa itong tungkulin
na gawin ng taimtim
agiw man ay tanggalin
upang di maging lagim

kung lugar ay magulo
kaybigat sa loob mo
mag-iinit ang ulo
di makapagtrabaho

kung iyong malinisan
ang bahay at bakuran
opisina't daanan
madarama'y kaygaan

- gregoriovbituinjr.
12.15.2023

Notbuk

NOTBUK

dala ko lagi ang aking notbuk
na tipunan ng anghang at bukbok
na salitang minsa'y di maarok
mga paksang aking sinusubok

balang araw ito'y bubuklatin
upang natalang paksa'y namnamin
may salitang dapat pang hasain
nang maging armas ng diwang angkin

nagsusungit man ang kalangitan
patuloy akong mananambitan
upang mahanap ang katugunan
sa sigwa't suliranin ng bayan

isusulat kita, minumutya
sa aking kwaderno, puso't diwa
ang pluma ko'y laging nakahanda
umibig man o dugo'y bumaha

- gregoriovbituinjr.
12.15.2023