Miyerkules, Pebrero 9, 2022

Paglingon


PAGLINGON

napapalingon sila sa poster ng kandidato
na marahil napapaisip, sino kaya ito?
at maitatanong pag nalaman nila kung sino:
bakit bumabangga sa pader ang lider-obrero?

inspirasyon ng kandidato'y manggagawa't dukha
kaya karapatan nila'y nilalaban ng kusa
kaytagal na lider ng mga samahang paggawa
kanyang pagtakbo'y makasaysayan, kahanga-hanga

para sa pagkapangulo, Ka Leody de Guzman
upang sagipin ang masa mula sa kahirapan
nang mapalitan ang sistemang para sa iilan
ipalit ay ekonomyang para sa sambayanan

ang kanyang kandidatura'y pagsalunga sa agos
dahil nakitang buhay ng masa'y kalunos-lunos
dapat nang sagipin ang bayan, ang buhay ng kapos
kapitalismong walang awa'y dapat nang makalos

si Ka Leody, makakalikasan, makamasa
lider-manggagawa, kauri, kasama, pag-asa
ang paglingon nila sa poster niya'y mahalaga
nang mabatid na mayroon silang alternatiba

- gregoriovbituinjr.
02.09.2022

Tagumpay ang proklamasyon ng Manggagawa Naman

TAGUMPAY ANG PROKLAMASYON NG MANGGAGAWA NAMAN

matagumpay ang naganap kagabing proklamasyon
ng Partido Lakas ng Masa, sadyang lingkod ngayon
Ka Leody de Guzman bilang pangulo ng nasyon
na sa mga suliranin ng bayan ay may tugon

mga kandidato ng P.L.M., pawang kaisa
ng taumbayan, ay nagpahayag ng plataporma
walang nagsayaw na artista ngunit nagsikanta'y
Kulay, Teatro Proletaryo't Pabrika, iba pa

nagsalita ang mabuting Propesor Walden Bello
ang pambatong senador na si Ka Luke Espiritu
ang makakalikasang kasamang Roy Cabonegro
at makakalikasan ding si David D'Angelo

mga nominado ng Partido Lakas ng Masa
Baldwin Sykimte, Lidy Nacpil, na mga kasama
Flor Santos, Manny Toribio, Jhuly Panday, pag-asa
ng bayan, para sa Kongreso'y ilagay talaga 

mabuhay kayong magigiting, ituloy ang laban
tunggalian na ng uri sa buong kampanyahan
mga kandidato ng burgesya'y huwag payagan
kundi ipanalo'y kandidato ng sambayanan

huwag hayaang ang trapo'y mabudol tayong muli
kundi baklasin na ang elitistang paghahari
di na dapat neoliberalismong siyang sanhi
ng dusa't kahirapan ng masa ay manatili

- gregoriovbituinjr.
02.09.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani, 02.08.2022

Bardagulan na!

BARDAGULAN NA!

ang sabi sa U.P. Diksiyonaryong Filipino
ang bardagol ay nangangahulugang dambuhala
na ibig sabihin, dambuhalang halalan ito
kaya "Bardagulan na" ang pamagat ng balita

salamat sa Abante sa kanilang pag-uulat
at ang litrato ng lider-manggagawa'y kasama
sa labanan sa panguluhan, ulat na matapat
upang kandidato ng manggagawa'y makilala

si Ka Leody de Guzman para pagkapangulo
nitong bansang ang mayorya ng masa'y naghihirap
dala niya ang paninindigan ng pagbabago
upang iahon ang masa sa buhay na masaklap

baligtarin ang tatsulok ang matinding mensahe
upang neoliberalismong dahilan ng dusa
ng mayoryang madla ay bakahin at maiwaksi
at lipunang patas at makatao'y malikha na

si Ka Leody de Guzman ang pambato ng dukha
si Ka Leody ang kasangga ng kababaihan
si Ka Leody ang kandidato ng manggagawa
ipanalo si Ka Leody! MANGGAGAWA NAMAN!

- gregoriovbituinjr.
02.09.2022

bardagol (pang-uri) - dambuhala mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 143
* postcard, leaflet at sticker ni Ka Leody, at litrato mula sa frontpage ng Abante, 02.09.2022