Huwebes, Hulyo 15, 2021

Makasaysayang pagkakataon

MAKASAYSAYANG PAGKAKATAON

ang bawat pagtula ko sa rali'y pagkakataon
di ko dapat palagpasin, makasaysayan iyon
pagkat bihira lang ang pagtatanghal tulad niyon
dapat daluhan lalo't isa iyong imbitasyon

kaya pinaghahandaan ko ang gayong gawain
isang pambihirang pagkakataong matulain
makapagtatanghal, masasambit ang saloobin
anong nasasadiwa'y maibabahagi na rin

tutulain ang hinggil sa karapatang pantao
katarungang panlipunan, nasa diwa't prinsipyo
pagkakapitbisig ng dukha't ng uring obrero
pagbabago't pagtayo ng lipunang makatao

tulad ng isang orador na nagtatalumpati
ay bibigkasing patula ang isyu ng kauri
isyu ng manggagawa't dukhang dapat ipagwagi
tulang sistemang bulok ay di dapat manatili

taospuso kong pasasalamat sa nag-imbita
dahil abang makata'y pinagtiwalaan nila
kaya pinag-iigihan ang diwa't bawat letra
batay sa tema ng rali ang tulang mababasa

- gregoriovbituinjr.

Tsok at illustration board bilang plakard

TSOK AT ILLUSTRATION BOARD BILANG PLAKARD

tsok at illustration board lang yaong pinagsulatan
nitong panawagan ng maralita o islogan
hinggil sa karapatan nila sa paninirahan
upang karapatang ito'y talagang ipaglaban

buburahin na lang upang magamit pa sa iba
at sulatan ng ibang isyu't islogan ng masa
tulad ng pangunahing bilihin na kaytagal na
mumurahing plakard na sa dukha'y inisyatiba

dapat maging malikhain batay sa kakayahan
di madisenyo sa kompyuter dahil madalian
walang pambili ng pintura't kartolina man lang
may biglang pumutok na isyung agad raralihan

upang di mabasâ ng ulan, balutin ng plastik
nang mabasa pa rin ng masa ang islogang hibik
binahagi ang diwa ng prinsipyong sinatitik
nang maunawaan ng madla anong isyu't gibik

mumurahing plakard na gawa ng maralita
tsok at illustration board, daluyan ng diwa't luha
dahil sa hirap na dulot ng sistema't kuhila
dahil tindig ay dapat ipaunawa sa madla

- gregoriovbituinjr.

Mga aral mula sa maestro

MGA ARAL MULA SA MAESTRO

maraming aral akong natutunan sa maestro
pangunahin sa aking naging maestro'y tatay ko
kung saan natutunan kong tanganan ang prinsipyo
at kung kinakailangan ay ipaglaban ito

kayrami ko ring natutunan sa ina kong mahal
upang sa kinabukasan ay talagang magpagal
sa simpleng gawaing bahay ay di na umaangal
pagkat ito'y tungkuling bahagi ng mga aral 

gayon din sa mga naging maestro sa eskwela
tinuro'y konsepto ng pisika't matematika
paboritong dyeyometriya't trigonometriya
mga paksa't samutsaring teyorya sa siyensya

mga maestro rin ang mga bayaning kabalat
tulad ni Gat Andres na tunay ngang kagulat-gulat
"Liwanag at Dilim" ni Jacinto'y araling sukat
sabi niya, "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

natutunan naman sa mga lider-manggagawa
ang lipunang makatao't diwang mapagpalaya
sa mga nauna sa aking lider-maralita
ay natutong bakahin ang mga tuso't kuhila

kay F.P.J. na artista nang aking kabataan
na bawat pelikula sa takilya'y sinusundan
tulad ng serye ng Panday kung anong katapangan
ay isabay sa pagpapakatao't kabutihan

sa aking mga maestro ng saknong at taludtod
at sa lahat ng aking maestrong nagpakapagod
taospusong pasasalamat po sa paglilingkod
mga turo ninyo'y dakila't itinataguyod

- gregoriovbituinjr.

Paghati ng isda

PAGHATI NG ISDA

kadalasan nga'y akin pang hinahati sa gitna
upang maging dalawa ang piprituhin kong isda
tila iyon ay nasa sampung pulgada ang haba
noon pa man ganito na ang aking ginagawa

ang unang hati, buntot man o ulo'y pang-agahan
sunod na hati naman ay para pananghalian
o kaya kung may kasama, hating kapatid naman
gayon na rin ang hatian pagdating ng hapunan

sasaluhan ko na lang ng kamatis at bagoong
o kaya'y ng okra, talbos ng kamote o kangkong
ika nga, ayos na ang buto-buto't nakaahon
na naman ang isang araw o ang buong maghapon

sadyang nakabubusog ang salu-salong kaysarap
lalo na't kaysaya pa ng kwentuhan sa kaharap
kung mag-isa'y nakabubusog din lalo't nalasap
ang simpleng pamumuhay at pagkaing pinangarap

- gregoriovbituinjr.