Biyernes, Nobyembre 27, 2009

Pula ang Kulay ng Silangan

PULA ANG KULAY NG SILANGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod, soneto

pula ang kulay ng silangan
tulad ng dugong dumadaloy
sa aking ugat at katawan
pulang kasimpula ng apoy
dapat nang duruging tuluyan
ang mga gahamang bumaboy
sa kinabukasan ng bayan
kaya marami ang palaboy
bawiin ang lahat ng yaman
mula sa mga trapong tukoy
at kapitalistang gahaman
na sa buhay nati'y bumaboy
durugin ang mga dahilan
kung bakit masa'y umaaruy

Huwag Ipagkait ang Pangarap

HUWAG IPAGKAIT ANG PANGARAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mga anak natin ay nangangarap
tulad din natin ng buhay na ganap
at makaalpas na sa dusa't hirap
kaya tayo'y nararapat magsikap

pangarap na ito'y dapat matupad
pagkat magandang bukas itong hangad
kahit na itong gobyerno'y kaykupad
sa serbisyong dapat nilang igawad

ngunit serbisyo'y ginawang negosyo
ng mga tampalasan sa gobyerno
mga karapatang para sa tao
ay may bayad na, may patong na presyo

kaya maraming mga nagsisikap
ang di matupad ang mga pangarap
sa gobyerno'y maraming mapangpanggap
imbes ang tao'y tapunan ng lingap

pangarap ng anak, ating igiit
pangarap nila'y huwag ipagkait
ipaglaban na natin itong pilit
kahit mahirap, ganid ay magalit

ito lang ang ating maihahandog
sa kanilang may pangarap na matayog
nais natin ay sistemang malusog
sa kinabukasan ay iluluhog

Kabulukan

KABULUKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagnanaknak sa kabulukan ang sistema
pagkat tila bangkay ang may hawak ng renda
dito'y nagtitiis pa ang maraming masa
kahit umaalingasaw ang bahong buga

parang isang ataul ang pamahalaan
labas ay makintab, bulok ang kalooban
dukha'y kanilang lalong pinahihirapan
habang lalong yumayaman ang mayayaman

kaya pamahalaan ay mistulang patay
kaibuturan ay inuuod na bangkay
marahang pinapatay ang nais mabuhay
upang dambuhalang tubo'y maangking tunay

tubo, tubo, pulos tubo ang dahilan
kaya sa mundo'y dumarami ang gahaman
tubo'y inspirasyon ng nais pang yumaman
tubong nagpapabulok sa pamahalaan

di na dapat mga mahirap ay lumaboy
sa mga bulok, gasolina na'y isaboy
mga inuuod ay sindihan ng apoy
upang bagong sistema'y maganap, matuloy

dapat lumang sistema'y tuluyang maabo
habang itinatanim ang sistemang bago
alagaan natin at palaguin ito
na ibubunga'y pagkakapantay ng tao