Sabado, Hulyo 18, 2009

Puso'y Binagabag ng Dilag

PUSO'Y BINAGABAG NG DILAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

merong isang kaygandang dilag
na sa akin ay bumagabag
ang hiling ko siya'y mahabag
sa puso kong kanyang binihag.

siya ang aking pinangarap
at siya'y akin nang nahanap
kaya ako na'y nagsisikap
o, kaysarap niyang kausap!

ngunit di ko mapangakuan
na ialay ang kalawakan
ni ang ganda ng tala't buwan
dahil ako'y mahirap lamang.

ang tanging naipangako ko
magsisikap ako ng husto
upang pag nagsamang totoo
mabubuo'y pamilyang bago.

ngunit ako'y binabagabag
kaya nga nagpapakatatag,
mapapasagot ba ang dilag
na sa iwing puso'y bumihag?


Nakasiyam na Taon na Siya

NAKASIYAM NA TAON NA SIYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

O, bayan, may napala ba kayo
Sa siyam na taong pamumuno
Ng pamahalaan ni Arrovo
Di ba't sinuka na ninyo'y dugo

Nakasiyam na taon si Gloria
Bilang pangulo ng ating bansa
Ngunit siyam na taong disgrasya
Itong napala ng kapwa dukha

Wala ngang kwenta ang namumuno
Pagkat ang tanging inasikaso
Ay kung saan lang siya tutubo
At serbisyo'y ginawang negosyo

Aba'y sobra ang siyam na taon
Ng pagkawawa sa sambayanan
Dapat siya'y tuluyang ibaon
Sa kangkungan na ng kasaysayan

Halina't sa kanyang huling SONA
Ay lumabas tayo sa lansangan
At sa kanyang mukha'y ipakita
Bulok ang kanyang panunungkulan!

Ramdam ni Gloria ang Kaunlaran

RAMDAM NI GLORIA ANG KAUNLARAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig


Ramdam ni Gloria ang kaunlaran
Ngunit siya lang ang nakaramdam
Ramdam ng masa ang kahirapan
Kaya masama ang pakiramdam.

Ramdam ni Gloria ang kaunlaran
Pinarami niya ang daanan
Habang bahay, dinemolis naman
Pag-unlad pala ito ng ilan.

Kaunlaran para sa dayuhan
At pati rin sa mamumuhunan
Sinira rin pati kalikasan
Para lang kanilang pagtubuan.

Ramdam ng masa ang kahirapan
Pagkat patuloy ang kagutuman
Imbes tao'y pag-unlad ng daan
Ang ginawa ng pamahalaan.

Obrero'y biktima ng tanggalan
Maralita'y wala ng tahanan
Api rin pati kababaihan
Buhay nila'y lublob sa putikan.

Tanging si Gloria lang, di ang bayan
Ang nakaramdam ng kaunlaran!

May Namamatay Din Pala sa Kabusugan

MAY NAMAMATAY DIN PALA SA KABUSUGAN
ni Greg Bituin Jr.
15 pantig

may mga ilan na ang namatay sa kabusugan
ngunit mas maraming namamatay sa kagutuman

sa mundo'y kayraming naghihirap ang nalulumbay
dahil walang makain, para silang mga patay
kaytitindi ng gutom nila't di na makadighay
parang nauupos na kandilang nakalupasay
sa banig ng karukhaang tila di mabubuhay

may mayayaman namang namatay sa kabusugan
baka sa kasakiman nila'y doon nasobrahan
lamon ng lamon silang para bang butas ang tiyan
di maalalang magbahagi sa gutom na bayan
sana'y mabulunan sila't mamatay ng tuluyan

panahon nang naghihirap ay mag-aklas ng tunay
hanggang sistema'y malugmok at sila'y magtagumpay!