Biyernes, Abril 1, 2022

Makathangisip

MAKATHANGISIP

binili ko ang aklat
di dahil sa pamagat
kundi sa nakasulat
ngalan ng manunulat

Joey Makathangisip
ako ba'y nanaginip
apelyidong kalakip
musa'y kanyang nahagip

kaygandang apelyido
ito kaya'y totoo
agad nang naengganyo
binili na ang libro

nagsusulat sa wattpad
may sarili nang aklat
siya'y walang katulad
sa araw ay sisikat

librong kanyang nobela
may hugot, luha't dusa
dama sa pagbabasa
ay kahali-halina

- gregoriovbituinjr.
04.01.2022

Ang kalsada kong tinatahak

ANG KALSADA KONG TINATAHAK

kalsadang nilandas ko'y bihira nilang matahak
bagamat iyon ang aking ginagapangang lusak
napagpasyahang landasin kahit na hinahamak
kahit iba'y natatawa lang, napapahalakhak

gayong magkaiba tayo ng landas na pinili
sa matinik na daan ako nagbakasakali
inayawan ang mapagpanggap at mapagkunwari
lalo't magpayaman nang sa bayan makapaghari

ang kalsada kong tinahak ay sa Katipunero
tulad ng mga makabayang rebolusyonaryo
napagpasyahang tahakin ang buhay-aktibismo
gabay ang Kartilya ng Katipunan hanggang dulo

iyan ang aking kalsadang pinili kong matahak
kapara'y madawag na gubat, pawang lubak-lubak
palitan ang bulok na sistemang dapat ibagsak
upang patagin ang landas ng ating mga anak

- gregoriovbituinjr.
04.01.2022

Sa bisperas ng Araw ni Balagtas

SA BISPERAS NG ARAW NI BALAGTAS

bisperas ng kaarawan ng makatang Balagtas
tunay na anak ng Panginay, tula ang nilandas
halimbawa sa tulad kong nasa'y lipunang patas
ang mga taludtod at saknong ng dakilang pantas

pagpupugay sa kumatha ng Florante at Laura
at sa walang kamatayang Orosman at Zafira,
ang Nudo gordeano, Rodolfo at Rosemunda
tatlong yugtong komedyang Bayaceto at Dorslica

La India elegante y el negrito amante
tatlong yugtong komedyang Auredato at Astrome
at ang tatlong yugtong komedya ring Clara Belmore
Mariang Makiling na komedyang may siyam na parte

naririyan din ang akdang Mahomet at Constanza
dula sa Udyong na Alamansor at Rosalinda
La Eleccion del Gobernadorcillo, na komedya
ang Claus, akdang nasa Latin ay isinalin niya

ako'y taaskamaong nagpupugay kay Balagtas
kayraming aral ang sa kanyang akda'y makakatas
di ko man maabot ang pambihira niyang antas
ay pinagsisikapan kong sundan ang kanyang landas

- gregoriovbituinjr.
04.01.2022

Sa buwan ng Earth Day

SA BUWAN NG EARTH DAY

habilin sa simula ng buwan
ng Earth Day, ating pangalagaan
at linisin ang kapaligiran
para sa ating kinabukasan

ang paligid na'y kalunos-lunos
sa naglipanang plastik at upos
mga ito'y pag-isipang lubos
nang malutas at maisaayos

tara, gulay ay ating itanim
upang balang araw may anihin
mga puno ay itanim natin
na kung mamunga'y may pipitasin

huwag maabot, one point five degree
ang pag-iinit ng mundo, sabi
ng mga aghamanon, mabuti
at agham sa atin ay may silbi

mabuti kung gobyerno'y makinig
lalo't isyung ito'y pandaigdig
bayan ay dapat magkapitbisig
sumisira sa mundo'y mausig

mahigit dalawampung araw pa
at Earth Day ay sasalubungin na
araw na talagang paalala
protektahan ang tanging planeta

- gregoriovbituinjr.
04.01.2022