Miyerkules, Marso 16, 2011

Ang Gatla

ANG GATLA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Mukha'y maaliwalas at sariwa
Ang magandang ngiti'y nakahahawa
Dalaga'y samba ng mga binata
Tila diyosang biyaya ni Bathala

Binabago ng panahon ang mukha
Ang dating ganda'y tila nawawala
Pinalalim ng panahon ang gatla
Na nagpatunay sa gawang dakila

Akala ng iba, gatla ay sumpa
Sa itinuturing na hampaslupa
O sa may malaking pagkakasala
At di dahil sa gawang mapagpala

Iyang pakahulugan nila'y bula
Pagkat di nagsuri, at balewala
Gatla'y di dahil sa sumpa at sala
Kundi iyan ay tanda ng pagtanda

Ampiyas sa Gitna ng Unos

AMPIYAS SA GITNA NG UNOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

huwag mong katakutan ang ampiyas
dahil iyan naman ay tikatik lang
munti lang ang basa sa iyong manggas
bintana naman ang magsasanggalang
mula sa unos patungo sa landas
ng pagbabago ng lumang lipunan

nabubuntis ang diwa sa ampiyas
ng talinghagang minsan mabitiwan
ng makatang di nag-ahit ng balbas
katulad ng isang batang lansangan
habang patuloy ang unos sa landas
ng sementado't aspaltadong daan

unos man ay palakas ng palakas
haraya'y masigabong naglabasan
sinasalo ng bisig ang ampiyas
na nagpaginaw sa bisig at laman
habang naglalabasan yaong katas
ng malikhaing tulang kainaman