Lunes, Hunyo 29, 2009

Galaw ng Trapo'y Estilong Basahan

GALAW NG TRAPO'Y ESTILONG BASAHAN
ni Gregorio V. Bituin jr.
11 pantig

galaw ng trapo'y estilong basahan
ang nililinis ay kaban ng bayan
ang mga trapo nga'y nagbubundatan
lalo na yaong kanilang lukbutan

pag kampanyahan laging bukambibig
maglilingkod sa bayang iniibig
pag nasa pwesto na'y di na marinig
pagkat iyon pala'y kabig ng kabig

paano'y dapat bawiing tuluyan
ang milyones na gastos sa halalan
pagkat ang sweldo'y maliit lang naman
kaya nagnanakaw sa kabang-yaman

imbis magserbisyo sa mga tao
ang serbisyo'y ginagawang negosyo
ganito bumawi ang mga trapo
utak-basahang di dapat manalo

kaya sa pagsapit nitong halalan
iyang mga trapo'y dapat bantayan
ngunit dapat silang pakaingatan
baka buhay mo ay gawing basahan

kabisado na ng bayan ang trapo
kaya Comelec bantayan ding todo
dahil dumarami ang madyikero
dagdag-bawas, kapalit milyong piso

galaw ng trapo'y estilong basahan
pagkat marami pang katiwalian
kaya bayan ay pulos kahirapan
kawawa lagi itong sambayanan

kailangan natin ng pagbabago
ngayon pa lang ay kumilos na tayo
sa basura nababagay ang trapo
at di sa gobyerno ng mga tao