Huwebes, Hulyo 28, 2016

Panata sa pagkilos

PANATA SA PAGKILOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung ako lamang ay iyong uunawain
madarama ang kaibuturan kong angkin
wala mang pera, milya-milya'y lalakarin
bundok man o karagatan ay tatawirin
hirap man ay nakukuhang balewalain
nang magawa ang binalikat na tungkulin

Bilin ni Pingkian

BILIN NI PINGKIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mayroon daw ganitong klaseng tao
na malamang sa hindi ay totoo
matatapang sa kababayan dito
ay bahag ang buntot sa mga dayo

dahil ba iyan na'y kaugalian
o dahil sa sistema ng lipunan
maliit ang tingin sa kababayan
ay sinasamba ang mga dayuhan

saludo sa matatangos ang ilong
tingin sa mga pango'y may kurikong
pag mestisuhin, tingin na'y marunong
at pag kayumanggi'y amoy bagoong

si Emilio Jacinto'y nagsiwalat
sa Liwanag at Dilim ay nasulat:
"Iisa ang pagkatao ng lahat"
ito'y pakatandaan nating sukat