Huwebes, Oktubre 29, 2009

Rehistro sa Huling Araw

REHISTRO SA HULING ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

hoy, magparehistro na kayo
para sa halalan sa Mayo
karapatan nyong makaboto
kaya huwag sayangin ito

comelec ay agad puntahan
para sa inyong karapatan
pagpaparehistro'y agahan
nang di matrapik sa pilahan

kayhaba ng laang panahon
sa magpaparehistro doon
ngunit ayaw kumilos noon
kaya apurahan na ngayon

nais na sa huling araw pa
magpaparehistro't pipila
pinoy kasi kaya ang nasa
ay laging sa huling araw na

mahilig sila sa last minute
kaya nagkakasabit-sabit
ang tangi ko lang masasambit
sana'y di na ito maulit

Malinis, Mabilis, Matulis

MALINIS, MABILIS, MATULIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

sadyang idolo ko siya
kaygaling niyang artista
akin siyang ginagaya
at nang mahawa sa kanya

kilala sa kalinisan
ng kanyang pangangatawan
kaybango ng kasuotan
tila ayaw maputikan

siya rin nama'y kaybilis
para bang humahagibis
at magara pa ang bihis
tila siya'y walang mintis

ngunit siya'y kaytulis din
pag nakakita ng birhen
agad niyang susugurin
yaong dalagang ligawin

sagana siya sa porma
pag kaharap ay dalaga
palibhasa ay artista
puso'y laging nakatawa

kahit na ang kanyang puso
ay panay ang pagdurugo
kaygaling niyang magtago
ng problemang hindi biro

Mag-ingat sa Aso, Mag-ingat sa Amo

MAG-INGAT SA ASO, MAG-INGAT SA AMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

I

Kayraming karatula dito
Sa mga dinadaanan ko
Pawang paalala sa tao
Tulad ng "Mag-ingat sa aso!"
Dagdag ko'y "Mag-ingat sa amo!"

II

Pag-ingatan mo, kaibigan
Ang pagpasok sa tarangkahan
Ng iyong bagong kaibigan
Dahil baka may aso riyan
At bigla ka niyang masagpang

Kaytindi pa naman ng rabis
Ng asong bubungi-bungisngis
Tila ba laman mo'y kaytamis
Handa ang pangil na kaytulis
Ingat ka sa aso't umalis

III

Manggagawa, mag-ingat kayo
Pagpasok sa trabahong ito
Pagkat kaybabagsik ng amo
Kakarampot na nga ang sweldo
Nilalait pa ang obrero

Amo'y laging nakabungisngis
Isip ay sariling interes
Naglalaway sa tubong labis
Mula sa obrerong nagpawis
Among ito'y nakakainis

IV

Mag-ingat sa aso't sa amo
Baka sagpangin kayo nito
Kaybabait pag kaharap mo
Ngunit pag nagalit sa iyo
Sira pala'ng kanilang ulo

Ang turing sa tulad mo'y ipis
Ng amo mo't asong may rabis
Na pareho ngang mababangis
Bago sila sa'yo'y mainis
Mabuti pang ikaw'y umalis

Nasa sa Mabuting Mamuno

NASA SA MABUTING MAMUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Wala umanong dapat partido
Sinumang nagnanais tumakbo
Lalo na't nais maging pangulo
At mamahala sa bansang ito

Dahil walang magagawa siya
Kung sa partido'y nakakadena
Ang kanyang diwa, kamay at paa
Busal sa bibig, piring ang mata

Ang partido niya'y taumbayan
At di partido ng mayayaman
Upang magawa ang kagustuhan
Ng nakararaming mamamayan

Yaong may matatag na prinsipyo
Ang nais naming maging pangulo
Puso't diwa niya'y nasa tao
At nasa nakararaming obrero

Kung Bakit Mahal Ko Siya

KUNG BAKIT MAHAL KO SIYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

mahal ko siya pagkat siya'y siya
mahal ko'y buong pagkatao niya
mahal ko siya sino pa man siya
sa puso ko, siya ang nag-iisa

minahal ko ang kanyang nakaraan
pati na ang kanyang kasalukuyan
hinaharap ay bubuuin naman
naming dalawang may pag-iibigan

mahal ko siya kahit di donselya
kahit pa siya'y matandang dalaga
ilalaban ko ang pag-ibig niya
nang habambuhay siyang makasama

walang iwanan ang aking pangako
pagkat nakaukit siya sa puso
ngunit sana puso ko'y di magdugo
pagkat mahal ko siyang buong-buo

mahal ko siya dahil siya'y siya
mahal ko ang lahat-lahat sa kanya
mahal kong talaga si Miss Maganda
pagkat sa puso'y inukit ko siya

siya'y mahal pagkat siya'y pag-ibig
siyang tangi kong nais makaniig
pag-ibig sana'y tuluyang lumawig
at sa kabigua'y di palulupig

Oda sa isang matandang dalaga

ODA SA ISANG MATANDANG DALAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

Marahil kaysarap magmahal ng matandang dalaga
Kaysa isang mataray at magandang donselya
Dahil masarap daw umibig yaong luma na
Kaysa sa larangan ng pag-ibig ay bago pa

Ngunit bakit umabot ang matandang dalaga
Sa edad niyang yaon, dahil ba pangit siya
O maganda siya ngunit napakasuplada
O kaya nama’y sobra ang pagkabungangera

May kakilala nga akong matandang dalaga
Lagpas na sa kalendaryo ngunit di kwarenta
Di naman kami magkalayo ng edad niya
At kahit noon pa man, minahal ko na siya

Matanda mang dalaga, siya pa ri’y maganda
At sa wari ko’y nababagay kaming dalawa
Ngunit paano pasasagutin itong sinta
Kung ako’y isa lang dukha’t laging walang pera

Ngunit tiyak sumasagi sa isipan niya
Na sana sa kanya’y may nagmamahal ding iba
Kaya ako’y narito pa’t di nag-aasawa
Bakasakaling mapagtagumpayan ko siya

Ngunit sadyang kayraming naiinis sa kanya
Dahil siya raw ay may ugaling bungangera
Baka kaya ganoon, naiinis na siya
Sa buhay niyang wala sa kanyang sumisinta

Ngunit sa pandinig ko tinig niya’y musika
Tila anghel ang sa paligid ko’y kumakanta
Hinahanap-hanap kong lagi ang boses niya
Na kaysarap pakinggan at nakakahalina

Sa bawat araw nga, makita ko lamang siya
Ay talaga namang ang puso ko’y maligaya
Paano pa kaya pag siya na’y nakasama
Aba’y habambuhay akong magiging masaya

Wala akong pakialam, di pinoproblema
Kung siyang mahal ko’y donselya pa o gamit na
Ang mahalaga siya’y aking makakasama
Pagkat para sa akin siya’y isang diyosa

Laging nasa panaginip ang larawan niya
Diwa ko’y dinadalaw ng matandang dalaga
Tila nangangarap ako kahit mag-umaga
At nasa paraiso pag siya’y naalala

Tibok agad ang puso ko pag siya’y nakita
At nauumid ako pag kaharap na siya
Napapatunganga na lamang sa kanyang ganda
Marahil dahil lagi ko siyang sinasamba

Ako’y nagtitino pagkat inspirasyon siya
Ganado ako pag siya’y laging nakikita
Pagsisikap ko’y tanda ng pag-ibig sa kanya
Matamis niyang OO’y pangarap kong talaga

Marami ngang tula ko’y alay kay Miss Maganda
O, kayganda niya kahit matandang dalaga
Ang pag-ibig nga ay paglaya, o aking sinta
Kupkupin mo na itong puso kong nagdurusa

Damdamin ko’y sa iyo na, matandang dalaga
Dito sa diwa ko’t puso’y inukit na kita
Iniluluhog kong pag-ibig, tanggapin mo na
Dahil baka ako’y mamatay pag nawala ka