Linggo, Enero 12, 2025

Two-time jiu-jitsu world champ Meggie Ochoa

TWO-TIME JIU-JITSU WORLD CHAMP MEGGIE OCHOA

tatlumpu't apat na anyos lang si Meggie Ochoa
kilalang Pilipinang world champion jiu-jiteira
ngunit sa pambansang koponan ay retirado na
napabalita ang madamdamin niyang pasiya

bente tres anyos siya'y pinasok ang jiu-jitsu
pinagwagian ang pandaigdigang kampyonato
ng dalawang beses, two-time world champion pala ito
ah, napakabata pa upang siya'y magretiro

nakamit ang Jiu-jitsu World Championship sa Sweden,
United Arab Emirates, Turkmenistan, Asian Games,
Hangzhou, Thailand, Cambodia, nang mga medalya'y kamtin
nabanggit pa sa ulat, siya'y may hip injury rin

bilang jiu-jitsu black belter, isa niyang misyon
ay labanan din ang sexual abuse at eksploytasyon
sa kabataan, "Fight to Protect" ang proyektong layon
ay magturo ng martial arts sa kabataan iyon

sa iyo, Meggie Ochoa, salamat, pagpupugay
dahil pinakita mo sa jiu-jitsu ang husay
isang bayaning atleta, mabuhay ka! mabuhay!
sa kasaysayan, pangalan mo'y naukit nang tunay

- gregoriovbituinjr.
01.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, 7 Enero 2025, p.12

Pluma

PLUMA

nakatitig muli sa kisame
may pinagninilayan kagabi
hanggang mga mata'y napapikit
sa loob ay may kung anong bitbit

madaling araw, tangan ang pluma
ay isinulat yaong nakita
kayrami ng mga isyu't paksa
na naglabo-labo na sa diwa

kaya dapat ko lang maisulat
yaong samutsaring nadalumat
sa papel, sa likod ng resibo
o kaya'y sa munti kong kwaderno

pagsusulat ang madalas gawin
tutula bago pa man antukin
nasa isip ay kwento't salaysay
danas man ng dukha'y binabaybay

- gregoriovbituinjr.
01.12.2025