ngayon ang expiration date ng nabiling tinapay
sayang, di ko agad inalmusal, di ko ginalaw
subalit kaninang hapon ay mineryendang tunay
upang di masayang, sa kapeng mainit sinawsaw
"consume before" ang nakasulat, bakit kinain pa
aba'y sayang kasi, itae ko na lang talaga
pambihira ka, kalusugan mo'y balewala ba
aba'y ang expired date ay kanina ko lang nakita
sira ba agad ang tinapay sa expiration date
o ito'y tantiya lamang, di pa magkakasakit
basta di na lumampas pa bukas ang aking giit
ito pa'y kinain ko, ganito ako kalupit
sa kapeng mainit, walang matigas na tinapay
pamagat ng pelikula't kasabihan ding tunay
at para sa akin, may salawikaing matibay
sa mainit na kape'y walang expired na tinapay
haynaku, nagbiro na naman ang abang makata
nang may maipalaman lang sa tinapay at tula
ngunit may aral na huwag ipagwalang bahala
na expiration date ay huwag nang abuting lubha
- gregoriovbituinjr.
10.20.2021