Biyernes, Hulyo 9, 2010

Usapan ng Magkaibigan

USAPAN NG MAGKAIBIGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

"gaano ba katatag sa laban ang manggagawa?"
"bakit mo ba tinatanong, wala ka bang tiwala?"
"natanong ko lang dahil nangyayari'y parang wala
tila baga tunggalian ng uri'y humuhupa"

"mayorya ang manggagawa kaysa kapitalista
ano't manggagawa'y nagpapaapi sa kanila
uring kapitalista ba'y di nila kinakaya
kaya paano naging matatag ang gaya nila?"

"hangga't naririyan ang pribadong pagmamay-ari
pagsasamantala sa obrero'y nananatili
kaya di pa humupa ang tunggalian ng uri
makiramdam ka't tunggaliang ito'y sumisidhi"

"ngunit bakit sa krisis ng bansa'y walang magawa
matatag nga ba sila, o sila'y natutulala?"
"pagtiwalaan mo sana ang uring manggagawa
mapapatid din ang kinalawang nang tanikala"

"kaibigan, nararapat yatang mamulat na nga
sa pagpapalaya ng uri silang manggagawa
hawakan nila ang maso, pader man ang mabangga
pag kumilos na, kapitalista'y matutulala"

"ngunit kailan sila magkakaisang tuluyan"
"kung mamumulat sila sa kanilang kalagayan
dapat pag-aralan nilang mabuti ang lipunan
upang sistemang bulok na'y mabaon sa libingan"

"hangga't mababa ang kamulatan ng manggagawa
sa kanilang papel bilang hukbong mapagpalaya
nabubulok na sistema'y di nila magigiba
pagkamulat nila'y susi kanilang paglaya"

"sana'y hindi hanggang teorya lang iyan, kaibigan"
"naganap na ito, magbasa ka ng kasaysayan
ang Komyun ng Paris, pati na Rusong himagsikan
na pinamunuan ni Lenin, iyong pag-aralan"

"kaya patuloy tayong mag-aral, magbasa-basa
upang mapag-aralan ang tamang estratehiya
upang uring manggagawa'y tuluyang magkaisa
at ang pagpapalaya ng uri'y maging ganap na"

"halina't organisahin ang manggagawa ngayon
upang bulok na sistema'y kanila nang ibaon
sa kangkungan ng kasaysayan tungong rebolusyon
upang maitatag natin ang mga bagong komyun"