Linggo, Oktubre 5, 2008

Ehersisyo Muna Bago Magtrabaho

EHERSISYO BAGO MAGTRABAHO
ni Greg Bituin Jr.
14 pantig

(para sa mga nakasama ko ng tatlong taon sa pabrikang PECCO sa Alabang, Muntinlupa)

tandang tanda ko pa noon, bago magsimula
ang trabaho sa pabrika'y magpapatirapa
upang igewang-gewang ng pataas-pababa
ang aming katawan at bisig na pinagpala

bibilang muna kami, isa, dalawa, tatlo
saka ibabaluktot ang tuhod, pati siko
bilang uli, apat, lima, anim, pito, walo
at pabalik ang bilang sa aming ehersisyo

kami'y papalakpak sa paglundag ng mataas
upang aming resistensya'y talagang lumakas
nang mabanat ang buto't katawan ay matikas
pati na mga kalamnan ay maging matigas

bago magtrabaho, kami'y mage-ehersisyo
ipipilig-pilig muna itong aming ulo
gagalaw ang katawan, kamay, balikat, braso
nang maging masigla kami sa pagtatrabaho

sa oras ng trabaho'y dapat lang masigla ka
di magpatulog-tulog sa harap ng makina
mahirap nang maipit, baka mawalan ka pa
ng bahagi ng katawan, ng kamay o paa

kaya mag-ehersisyo muna bago trabaho
pampalakas ng katawan ng mga obrero
kaunting pagod lang, ito nama'y hindi bisyo
ngunit kung maging bisyo mo'y mabuting totoo

Sa Mga Dating Kamanggagawa

SA MGA DATING KAMANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(para sa mga nakasama ko ng tatlong taon sa Metal Press Department sa pabrikang PECCO sa Alabang, Muntinlupa)

blagag-blagag-blagag
sunud-sunod ang bagsak ng makinang AIDA
tunog ng mga ito'y kabisado ko pa
pag nagsasalita nga tayo'y sigawan na

blagag-blagag-blagag
hoy, tama na kaya ang sukat nitong c-guide
basta't pasok sa tolerance ay tama iyan
laging maingay doon at laging sigawan

blagag-blagag-blagag
kaya paglabas sa pabrika't nakabihis
aba'y sigawan pa rin, kaytaas ng boses
araw-araw ba namang ingay ang tiniis

blagag-blagag-blagag
kumusta na kaya silang dating kasama
sana naman, maayos na ang buhay nila
sana'y magka-reyunyon na kami't magkita

blagag-blagag-blagag
dating kamanggagawa, kumusta na kayo?
sana'y makapagkwentuhan na muli tayo
kahit na may kaharap na tagayang baso

blagag-blagag-blagag
kung sakaling meron, ako'y pasabihan lang
dahil sadyang iba ang may pinagsamahan
baka masulat ko ang aral, karanasan
doon sa PECCOng ating pinagtrabahuhan

mabuhay kayo, mga kamanggagawa ko!