Linggo, Pebrero 9, 2020

Tila mga halimaw na ang naglipanang plastik

tila mga halimaw na ang naglipanang plastik
na saan mang panig ng mundo'y naglipanang lintik
na kinakain ng mga isdang di makahibik
ibon at ibang hayop man sa plastik natitinik

tinatapon ng mga taong akala mo'y tanga
kung saan-saan, sa sasakyan, sa dagat, kalsada
mabuti't may ibang ibinobote ang basura
upang di malunod sa plastik ang kanyang pamilya

isisiksik ang mga plastik sa boteng plastik din
bakasakaling solusyon itong kayang likhain
ngunit iilan lang ang may ganitong adhikain
upang kahit paano? kahit paano'y may gawin!

wala pa silang sanlibo, plastik ay bilyun-bilyon
kaunti lang sila kumpara sa laksang polusyon
ano nang gagawin sa plastik na naglilimayon
kung plastik sa bote'y di naman talagang solusyon

- gregbituinjr.

Luntiang Pag-asa

LUNTIANG PAG-ASA 

ano nga ba itong aklat na "Luntiang Pag-asa"?
ano ba itong pampulitikang ekolohiya?
bagong konsepto ba itong dapat nating mabasa?
na dapat matutunan ng nakararaming masa?

para sa kalikasan, para sa kapaligiran
bakit plastik na ang nabibingwit sa karagatan
imbes isda'y basura sa lambat pagpipilian
habang pulos polusyon na dulot ng mga coal plant

ang pag-asa ba'y luntian kung magtulungan tayo?
itong pampulitikang ekolohiya ba'y ano?
inaatake rin ba nito ang kapitalismo?
na siyang sistemang sumira sa buhay ng tao?

upang masagot ang mga tanong, ito'y basahin
baka may pabula ritong kaysarap kung namnamin
tulad ng kuwagong animo'y palaisip man din
o tulad ng unggoy na minsan kayhirap ungguyin

- gregbituinjr.
* May kaakibat itong sanaysay na tumatalakay sa aklat na ""Green Hopes: The Future of Political Ecology" na nabili ko sa Book Ends Bookshop sa Lungsod ng Baguio noong Hunyo 5, 2019.