Sabado, Hulyo 16, 2022

Mamon

MAMON

bakit ayokong kumain ng mamon?
mas nais ko pa'y pandecoco, monay,
ensaymada, pandesal, anong tugon?
ngunit mamon? ako'y di mapalagay...

dahil ba sa lasa'y tinatanggihan
ang mamon upang meryendahing tunay?
dahil ba malagkit sa lalamunan?
di ba masaya't malasang tinapay?

ako'y aktibistang babad sa rali
makatang sa bayan ay nagsisilbi
minsan sa isang pagkilos nahuli
sinubo sa aki'y mamon, malaki

pinasok sa bibig kong sapilitan
nang kamao'y bumaon pa sa tiyan
habang bibig ko'y kanilang tinakpan
santimbang tubig ang sumunod naman

namilipit ako, di kaya iyon
kaya di nagmamamon mula noon
nagbabalik ang matinding kahapon
pandecoco na lang, huwag lang iyon

- gregoriovbituinjr.
07.16.2022

Pahimakas sa kamakatang Richard Gappi

PAHIMAKAS SA KAMAKATANG RICHARD GAPPI

salamat sa inorganisa mo
noon, na proyektong panulaan
nang naglakad kami sa Climate Walk
mula Luneta hanggang Tacloban

di man kita kilalang personal
katulad din ng ibang makata
saludo ako sa iyong ambag
sa panulaan ng sambayanan

magkakilala man sa pangalan
ngunit magkaiba ng kilusan
nais ko lang kita'y pagpugayan
mabuhay ka't naglingkod sa bayan

halina't magbasahan ng tula
kung magkita tayo sa kabila
nauna ka man sa pagkawala
ngunit patuloy lang sa pagkatha

- gregoriovbituinjr.
07.16.2022

* Richard Gappi, pangulong tagapagtatag ng Angono 3/7 Poetry Society at ng Angono Rizal Online News 

Walang tinta

WALANG TINTA

ubos muli ang tinta 
niring bolpen ko, mahal
dapat makabili na
kahit walang almusal

upang masagutan ko
yaong palaisipan
pati na ang sudokung
sadyang kinahiligan

at isulat ding pawa
ang mga tulang handog
sa nag-iisang mutya
at tanging iniirog

maitala ang tinig
ng dalita't obrero
upang magkapitbisig
tungo sa pagbabago

ubos muli ang tinta
nitong bughaw kong bolpen
ibili ako, sinta
kahit na bolpeng itim

at kita'y bubusugin
ng tula ko't panaghoy
mithi ko sana'y dinggin
nang ako'y di maluoy

- gregoriovbituinjr.
07.16.2022