Sabado, Abril 2, 2022

Si Laura ni Balagtas at ni Petrarch

SI LAURA NI BALAGTAS AT NI PETRARCH

si Laura ang kasintahan ng mandirigmang Florante
sa akdang Florante at Laura ng ating Balagtas
si Laura'y inspirasyon ni Petrarch sa Canzoniere
makatang Italyano, na soneto ang binagtas

marahil nga'y kayganda pag Laura ang ngalang taglay
dahil inspirasyon sa mga akda ng makata
kababakasan ng pag-ibig na nananalaytay
sa puso't diwang kinasasabikan sa pagtula

pagsinta'y labis ngang makapangyarihan, ang saad
ni Balagtas sa kanyang akdang walang kamatayan
dagdag pa, laki sa layaw ay karaniwang hubad
sa bait at muni't sa hatol ay salat, malaman

sa mundo'y kinilalang tunay ang Petrarchan sonnet
kaiba sa Shakespearean sonnet pagdating sa rima
soneto ni Petrarch pag binasa'y kaakit-akit
sonetong may lalim, pangmasa, pag-asa, pagsinta

ah, natatangi si Laura sa pagsinta't pagtula
nina Balagtas at Petrarch, makatang kaybubuti
madarama mo sa tula ang dusa, luha't tuwa
sa kathang kanilang alay sa sintang binibini

- gregoriovbituinjr.
04.02.2022

Sa ika-234 kaarawan ni Balagtas

SA IKA-234 KAARAWAN NI BALAGTAS

Francisco Balagtas, dakilang anak ng Panginay
ngayong araw niya'y ating inaalalang tunay
mapalad tayo't may pamana siyang inialay
kaya ako'y naritong taasnoong nagpupugay

mula sa ngalan niya ang kilalang Balagtasan
na tunggalian ng katwiran sa isyung pambayan
may mga akda siyang talagang makabuluhan
gabay ng mag-aaral, patnubay sa kabataan

ang kanyang obra maestra'y ang Florante at Laura
halos apatnaraang saknong na tinula niya
at ang walang kamatayang Orozman at Zafira
taludtod ay siyam na libo't tatlumpu't apat na

kung magsasaliksik ka pa, akda niya'y kayrami
La India elegante y el negrito amante
nariyan ang tatlong yugtong akdang Clara Belmore
tatlong yugtong komedyang Auredato at Astrome

may mumunting tula rin siyang dapat ikarangal:
ang "Pangaral sa Isang Binibining Ikakasal"
at ang "Paalam Na sa Iyo" na tulang bilinggwal
sa Espanyol at Tagalog, mga tulang may aral

O, Balagtas, bunying makata, lahing kayumanggi
katulad mo'y tinutula ko rin ang pusong sawi
habang inilalaban kong manggagawa'y magwagi
sa tula't ganitong lipunan ay kamtin ang mithi

- gregoriovbituinjr.
04.02.2022

Manggagawa at si Balagtas

MANGGAGAWA AT SI BALAGTAS

nais ng obrero'y / lipunang parehas
tulad ng pangarap / ng ating Balagtas
walang mang-aapi, / ang lahat ay patas
at ang kahirapa'y / hanapan ng lunas

araw ni Balagtas / at Abril Dos ito
Florante at Laura'y / muling binasa ko
ang hustisya'y dapat / ipaglabang todo
laban sa katulad / ni Konde Adolfo

lipunang parehas, / bayang makatwiran
na ang kalakaran / ay makatarungan
tulad ng obrero / na ang inaasam
ay lipunang patas / at may katatagan

sistemang palalo't / mapagsamantala
pati pang-aapi't / bisyong naglipana
ay pawang nilikha / ng tusong burgesya
bunsod ng pribadong / pag-aari nila

manggagawa'y dapat / nang magkapitbisig
nang sistemang bulok / talaga'y malupig
mapagsamantala'y / dapat nang mausig
sistema'y palitan / ang kanilang tindig

kaya ngayong araw / ng dakilang pantas
na kilala nating / makatang Balagtas
obrero'y kaisa / sa asam na bukas
kikilos nang kamtin / ang lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
04.02.2022 (ika-234 kaarawan ni Balagtas)