Miyerkules, Marso 13, 2013

Kailan puputok ang madlang galit?


KAILAN PUPUTOK ANG MADLANG GALIT?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

lampas sa apat na sulok ng silid
ang mga kaalamang walang patid
pati na damdaming tila minanhid
ng lipunang ang sistema'y kaykitid

hindi ba't patuloy na bumabaon
sa ating diwa ang bayang nilamon
ng sistemang sa tubo nagugumon
ito ba yaong pamana ng ngayon

mahirap nating sa diwa'y malimot
yaong mga danas na dumalirot
sa sambayanang sa puso'y may takot
at madlang may ikinukubling poot

kailan puputok ang madlang galit
nang sila'y lumaya sa pagkapiit
sa sistemang inayunan ng langit
nang dukha'y apihing paulit-ulit

halina't bigwasan nating kaytindi
ang sistemang pinupuri ng gabi
ginagawa lamang tayong pulubi
nitong mga berdugong nakakubli

Lugmok pa ang ngayon


LUGMOK PA ANG NGAYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

lugmok pa rin ang ngayong
bumati sa kahapon
bukas ay nakabaon
sa pusod ng pagbangon

kailangang umalpas
sa hirap na dinanas
kailangang mag-aklas
nang magbago ang bukas

nagdidildil ng asin
ang salat sa pagkain
hindi natin maangkin
kahit na gawa natin

paano mamumulat
ang dukhang nagsasalat
gayong ang lahat-lahat
ay sa sistemang bundat

kung ngayon man ay lugmok
ang kahapon ay dagok
bagong bukas ang alok
nitong pakikihamok

tayo'y makipaglabang
baguhin ang lipunan
nasa palad ng bayan
itong kinabukasan

Payo sa isang dilag

PAYO SA ISANG DILAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

maganda mong ngiti'y nawala
balong sa pisngi'y pawang luha
di maipinta ang 'yong mukha
naglaho ang buo mong sigla

siya'y nasa ibang kandungan
at tuluyan ka nang iniwan
ikaw ba sa kanya'y nagkulang
ikaw ba'y sadyang di lalaban

hindi tugon sa problema mo
ang pagkawala mo sa mundo
huwag kang maghiwa ng pulso
umiyak ka sa balikat ko

di ka dapat magpakamatay
sa mga natatamong lumbay
sa iyong bawat pagkapilay
ituring akong iyong saklay

Inukit ko sa dilim


INUKIT KO SA DILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

inukit ko sa dilim
ang aking kapanglawan
piniit ng mga impit
ang bawat kong kawalan
ako ba'y nagdurusa
sa aking kakulangan
wala na bang halaga
ang aking katapatan

inukit ko sa dilim
ang tinagong pangarap
nagbabakasakali
makita ko sa ulap
matanaw ko man lamang
ang nasa alapaap
ang loob na'y gagaan
kung puso ko'y tinanggap

inukit ko sa dilim
ang iyong kagandahan
ikaw ang mutyang dilim
ng aking katauhan
kung magniniig kita
sa laot ng karimlan
tayo'y magiging isa
doon sa kalawakan