Huwebes, Oktubre 9, 2025

Oktubre 9 sa kasaysayan

OKTUBRE 9 SA KASAYSAYAN

pinaslang ang rebolusyonaryong si Che Guevara
taga-Argentina, pinatay sa bansang Bolivia

unang pinatugtog sa radio sa buong daigdig
ang awiting Imagine ni John Lennon ay narinig

isang lupon ang tinatag ng mga mambabatas
upang akdain ang Konstitusyon ng Pilipinas

itinatag ang paaralang Yale University
at nagdiborsyo sina Elvis at Priscilla Presley

ang sewing machine ni Singer ay naimbento naman
at lumindol sa Pakistan, India, Afghanistan

bansang Cambodia naman ay naging Khmer Republic
ang mga nabanggit, sa kasaysayan natititik

magkakaibang taon, magkakaibang balita
na sa petsa Oktubre Nuwebe nangyaring sadya

- gregoriovbituinjr.
10.09.2025

* pinagbatayan ay mula sa pahayagang Pang-Masa, Oktubre 9, 2025, pahina 4

Dahil sa misyong dakila

DAHIL SA MISYONG DAKILA

parang araw-araw na lang, lagi akong tulala
subalit dapat ipakita kong ako'y masigla
kahit hindi, sapagkat ako'y isang mandirigma
at nalulutas iyon, dahil may misyong dakila

iyon ang bumubuhay sa akin sa araw-gabi
nakapagpapasigla pa ang pagdalo sa rali
kaya sa anumang laban, di ako nagsisisi
na kabilang ako sa mga sa bayan nagsilbi

tulad ko'y ang mandirigmang Ispartang si Eurytus
na hanggang sa huling sandali'y nakibakang lubos
di gaya ng Ispartang duwag, si Aristodemus
kinahiya ng kanyang lipi, di nakipagtuos

kumikilos pa ako't patuloy na lumalaban
upang tuluyang mapawi ang mga kabulukan
ng sistema't itatag ang makataong lipunan
iyan ang dakila kong misyon hanggang sa libingan

- gregoriovbituinjr.
10.09.2025

BOTO, BOGO, BOFO

BOTO, BOGO, BOFO

Buy One, Take One: BOTO
Buy One, Get One: BOGO
Buy One, Free One: BOFO

iba'y ibang daglat
sa bibilhing sukat
iyan nga ba'y sapat

na pawang pakulô
nang tinda'y lumagô
nang sila'y tumubò

pag binili'y isa
may libre pang isa
may kita na sila

ang BOTO ng masa
sana'y di ibenta
sa tusong burgesya

BOTO mo'y butatâ
pag nanalo na ngâ
ay trapong kuhilà 

- gregoriovbituinjr.
10.09.2025

* litrato mulâ kung saan-saan

Ako'y bato

AKO'Y BATO

ako'y bato, apo ni Batute
na pagtula'y tungkulin at mithi
pinaliliwanag anong sanhi
bakit sistema'y nakamumuhi

bagamat bato ay batong buhay
idinaraan na lang sa nilay
ang kinakatha kong tula'y tulay
sa sinapupunan hanggang hukay

ako'y bato ay di naman kalbo
kahit minsan ay nagdedeliryo
pag si misis pinuntahan ako
anong sarap ng pakiramdam ko

pananim niya'y dinidiligan
ng mga luha ko't kalungkutan
na balang araw, lalago naman
upang bunga'y mapakinabangan

- gregoriovbituinjr.
10.09.2025