Sabado, Mayo 17, 2025

Infusion complete

INFUSION COMPLETE

sa pandinig ko'y tila musika na
ang infusion complete pag naririnig
sa ospital, tanghali man, umaga
o madaling araw, o takipsilim

ibig sabihin, paubos ang dextrose
na dapat iyong palitan ng lubos
infusion complete ay biglang tutunog
kahit kami'y mahimbing sa pagtulog

di ka na maiinis pag ganito
gagawin mo lang, dapat kang alerto
kaya itatawag mo iyon sa nars
upang dextrose ay agad mapalitan

di mahalaga rito ang mainis
ang mahalaga'y gumaling si misis
mula sa istrok at abcess sa tiyan
sana'y gumaling na siyang tuluyan

- gregoriovbituinjr.
05.17.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1AfxVNvCAH/ 

Pag-utot

PAG-UTOT

"nakautot ka na ba?" laging tanong
ng mga doktor, pati nars kay misis
na naka-NGT o nakapasak
ang tubo sa ilong upang kumain

pag nakautot daw pala'y maganda
sa kalusugan dahil may nilabas
na hangin sa tiyan lalo't naistrok
at may blood clot sa bituka si misis

bagamat walang kinaing natural
tanda ang pag-utot sa tinitingnan
upang guminhawa ang pakiramdam
at gumaganda na ang kalusugan

na tanda ng paggalaw ng bituka
may nilalabas na toxic o sobrang
hangin sa tiyan o kaya'y bakterya
salamat sa ibinahagi nila

- gregoriovbituinjr.
05.17.2025

* sinulat habang nagbabantay kay misis sa ospital
* NGT - nasogastric tube, o yaong ipinapasok na tubo sa ilong pababa sa lalamunan at esophagus, hanggang sa  loob ng tiyan sa pagbibigay ng pagkaing may nutrisyon