Biyernes, Abril 16, 2010

Kaming Aktibista'y Bumubutas ng Lungsod

KAMING AKTIBISTA'Y BUMUBUTAS NG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kaming aktibista'y bumubutas ng lungsod
nang masa'y mapalaya sa pagkahilahod
sa kahirapan at dusang pumipilantod
sa mga obrero't maralita ng lungsod

binubutas din namin ang mga pabrika
upang mailantad ang pagsasamantala
ng mga hayok sa tubong kapitalista
lakas-paggawa'y binalasubas na nila

binubutas namin ang mga komunidad
upang kabulukan ng sistema'y ilantad
pagbabago ng lipunan ang aming hangad
sa dukha'y iangat ang kanilang dignidad

binubutas namin ang mga eskwelahan
nang malantad ang totoo sa kabataan
na edukasyo'y pribilehiyo ng ilan
kaya maraming nagtapos ng walang alam

pati kanayunan ay aming bubutasin
mga magsasaka'y aming oorganisahin
sa lahat at ilantad ang ating layunin:
pribadong pag-aari'y dapat nang tanggalin

halina't butasin na pati Malakanyang
hulihin at ikulong ang pangulong hunghang
na talagang nagpahirap sa mamamayan
tsapa ng pagkukunwari'y dapat alisan

kaming aktibista'y bumubutas ng lungsod
ang pagtatanggol sa masa'y kalugod-lugod
kaming tibak ay prinsipyado't walang pagod
masa'y makaaasa pagkat may gulugod

halina't butasin ang mga lunsod at nayon
diwa ng sosyalismo'y dalhin natin doon
sistema'y baguhin, tayo'y magrebolusyon
at kung kinakailangan, mag-insureksyon!