Linggo, Enero 14, 2024

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay

ISULAT N'YO PO ANG PANGALAN KO SA AKING BINTI, INAY
Tula ni Zayna Azam
Malayang salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Gamitin n'yo po ang permanenteng marker na itim,
na ang tinta'y di kumakalat kung ito'y mabasa, 
yaong di nalulusaw kung ito'y nalantad sa init...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Kapalan n'yo po at linawan ang pagkasulat...
Idagdag n'yo pa ang inyong pinakamimithi, 
upang maaliw akong makita ang sulat-kamay ng 
aking inay sa aking pagtulog...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
At sa binti ng mga kapatid ko..
Sa paraang ito'y magkakasama tayo...
Sa paraang ito'y malalaman nilang kami'y inyong anak...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
At pakisulat din po ang pangalan n'yo ni Itay
sa inyong binti upang maalala tayo bilang pamilya...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Upang pag sumabog ang bomba sa ating bahay, 
Upang pag nadurog ng pader ang ating bungo't buto..
Ang ating mga binti ang magkukwento ng nangyari, 
Lalo't wala na tayong natakbuhan.
.
.
.
WRITE MY NAME ON MY LEG, MAMA
Poem by Zayna Azam
with Filipino translation by Gregorio V. Bituin Jr.

Write my name on my leg, mama...
Use the black permanent marker,
with the ink that doesn't bleed if it gets wet, 
the one that doesn't melt if it's exposed to heat... 

Write my name on my leg, mama...
Make the lines thick and clear..
Add your special flourishes, so I can take comfort 
in seeing my mama's handwriting when I go to sleep...

Write my name on my leg, mama..
And on the legs of my sisters and brothers..
This way we will belong together...
This way we will be known as your children...

Write my name on my leg, mama...
And please write your name and Baba's name on your
legs too so we shall be remembered as a family...

Write my name on my leg, mama...
When the bomb hits our house, 
when the walls crush our skulls and bones..
Our legs will tell our story, 
how there was nowhere for us to run.

Ang pitong nobela ni Faustino Aguilar

ANG PITONG NOBELA NI FAUSTINO AGUILAR
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako noon ng aklat-nobelang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, na kulay pula ang pabalat. Bukod doon ay may iba pa pala siyang nobela. Ito'y ang Busabos ng Palad, Nangalunod sa Katihan, Sa Ngalan ng Diyos, Sa Lihim ng Isang Pulo, at Kaligtasan, na tinalakay bilang kabanata sa aklat. Mayroon pang Ang Patawad ng Patay, subalit nabanggit lang ito bilang huling nobela ni Aquilar, ngunit walang bukod na kabanata na tumalakay dito.

Nabatid ko ito nang mabili ko ang librong Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan, Isang Komentaryo sa mga Nobela ni Faustino Aguilar. Sinulat ito ni E. San Juan Jr. Nabili ko ang aklat sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila sa halagang P500 noong Pebrero 11, 2022.

Ang nobelang Pinaglahuan ay sinulat niya noong 1906 at isinaaklat noong 1907. Nauna lang ng isang taon dito ang unang sosyalistang nobela sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na nalathala ng serye noong 1905 sa pahayagang Muling Pagsilang bago isinaaklat noong 1906.

Ayon sa aklat ni San Juan, ang Busabos ng Palad ay nalathala noong 1909, at dalawang nobela ni Aguilar ang nalathala noong 1911, ang Sa Ngalan ng Diyos, at ang Nangaluhod sa Katihan.

Noong 1926 naman nalathala ang nobelang Ang Lihim ng Isang Pulo. Matapos ang halos dalawampu't limang taon ay magkasunod namang nalathala ang mga nobelang Kaligtasan (1951) at Ang Patawad ng Patay (1952).

Gustong-gusto ko ang sinabi ni San Juan sa kanyang Introduksyon sa aklat tungkol kay Aguilar: "Higit na karapat-dapat sa kaniya ang karangalang-bansag na "National Artist" kaysa sa mga ibang nagtamasa ng biyaya noon o ngayon."

Dagdag pa niya, "Opinyon ng piling dalubhasa na si Aguilar, sampu ng kaniyang mga kontemporaneo, ang pinakamasugid na "tagapaglahad ng katotohanan at tagamungkahi ng kalutasan" habang maalab niyang binuhay "ang pagdurusa ng kaluluwa" ng sambayanang Filipino."

Sino si Aguilar? Ito ang ilan sa isiniwalat ni San Juan hinggil sa talambuhay ni Aguilar: "Ipinanganak si Aguilar noong 15 Pebrero 1882 sa Malate at namatay noong 24 Hulyo, 1955 sa Sampaloc, Maynila. Naging kasapi siya ng Katipunan sa gulang na 14 taon. Di naglaon, nahirang siya  bilang kawani ng Kalihim ng Digmaan at Kalihim Panloob ng Republikang Malolos, kaya siya ibinilanggo ng mga Amerikano noong 1899."

Bilang manunulat, si Agular, ayon kay San Juan: "Naging editor siya ng seksyong Tagalog ng pahayagang La Patria at pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siya ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging editor ng pumalit na pahayagang Taliba."

Bilang manggagawa, si Aguilar naman ay: "Masigasig si Aguilar sa usaping pangmanggagawa. Hinirang siya bilang pangalawang direktor ng Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan umangat bilang direktor nito sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siya ng Senado mula 5 Enero 1923 hanggang mabalik siya sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taong 1933-1939. Ang mga huling katungkulan niya ay miyembro ng Board ng Rural Progress Administration noong Abril 1947 at ng Philippine Homesite and Housing Corporation."

Hinggil sa pitong nobela ni Aguilar, ayon pa kay San Juan, "Bagamat apat na nobela lamang ang naisaaklat, matayog at manining pa rin sa lahat ang kagalingan ni Aguilar sa uri ng sining na pinagsikhayan niya." Tinutukoy niya marahil sa apat na nang magsaliksik ako sa internet ay may larawan ng pabalat ng aklat - ang Pinaglahuan, Busabos ng Palad, Sa Ngalan ng Diyos, at Ang Lihim ng Isang Pulo. Ayon pa kay Sa Juan, "Pambihirang makakita ng lumang edisyon ng Ang Lihim ng Isang Pulo (1926) na itinuturing na pinakamasining sa paghawak ng dalisay na artikulasyon ng wika." Kung gayon, hindi pa naisaaklat ang mga nobelang Nangalunod sa Katihan, Kaligtasan, at Ang Patawad ng Patay? Nawa'y proyektuhin din itong malathala.

Mabuti't nakapagsulat si San Juan ng sinasabi niyang metakomentaryo sa mga nobela ni Aguilar. Kundi'y hindi natin mababatid na may iba pa pala siyang nobela bukod sa Pinaglahuan. Kailangan pa natin hanapin at basahin ang kanyang mga nobela upang mas malasahan pa natin ang himagsik ng kanyang panulat. Ito ang isa sa mga mithiin ko ngayon, ang basahin ang kanyang nobela at magbigay ng komentaryo, o kaya'y gawan ng sanaysay, ang mga ito.

Minsan, naiisip ko, magandang isalin sa Ingles ang lahat ng nobela ni Aguilar, subalit habambuhay itong gawain kung gagawin ko. Marahil isa o dalawa lamang ang kakayanin ko, kung sisipagin. At mailathala ang bersyong Ingles nito, halimbawa, sa Collins Classics sa Amerika. Gayunman, pangarap pa lang itong mananatiling pangarap kung hindi ako kikilos. Dapat mapagtuunan ito ng pansin at bigyan ng oras upang maisakatuparan.

Naisipan kong gawan ng tula ai Aguilar, tulang may tugma't sukat na labinlimang pantig bawat taludtod, bilang alay sa kanya.

FAUSTINO AGUILAR, NOBELISTANG MANGGAGAWA

Faustino Aguilar, magaling na nobelista
inilarawan ang lagay ng bayan sa nobela
ikinwento ang pagkaapi't himagsik ng masa
pati na ang kahilingang panlipunang hustisya

ang nobela'y Busabos ng Palad, Pinaglahuan,
Ang Patawad ng Patay, Nangalunod sa Katihan,
nariyan ang Sa Ngalan ng Diyos, ang Kaligtasan,
Ang Lihim ng Isang Pulo, sadyang makasaysayan

di dapat mawala na lang ang kanyang mga akda
lalo't nobela hinggil sa manggagawa't dalita
dapat siyang basahin at sa atin manariwa
ang lagay noon na hanggang ngayon ay di nawala

nagsamantala ang kapitalista't asendero
nilarawan niya noon ay di pa rin nagbago
may pagsasamantala pa rin sa dukha't obrero
hustisya noon ay panawagan pa ring totoo

maraming salamat, taoskamaong pagpupugay
kay Faustino Aguilar, na nobelistang tunay
basahin siya't samahan natin sa paglalakbay
hanggang mabago ang sistemang bulok at mabuway

01.14.2024

Papuri ng makatang Rio sa Senado

PAPURI NG MAKATANG RIO SA SENADO

pinuri ng makatang Rio ang Senado
nang kanyang itinulang marangal daw ito
ngayong panahon dapat ipakita nito
lalo kung ChaCha'y ibabasurang totoo

marangal at di raw yumuko sa dayuhan
habang sa ChaCha ay aariing sandaang
porsyento ng mga mayayamang dayuhan
ang anumang pag-aari dapat ng bayan

pinangunahan na ng mga kongresista
at punong bayan ang mga pagpapapirma
upang baguhin ang Konstitusyon, ang masa
naman daw ay pipirma dahil may ayuda

huwag pong hayaang malinlang tayong muli
ang pagpapapirma'y pagbabakasakali
na mamayani ang tuso't mapang-aglahi
ChaCha'y para sa interes ng naghahari

ngunit di ng masa, di rin ng buong nasyon
kaya sa Senado, ito'y malaking hamon
di payagang distrungkahin ang Konstitusyon
marangal na Senado'y hanap namin ngayon

- gregoriovbituinjr.
01.14.2024

* ang litrato ay mula sa aklat na "May Mga Damdaming Higit Kaysa Atin" ni Rio Alma, p. 136

Nilay

NILAY

ang pangarap kaya'y makakamit?
kapag di dadaanin sa galit?
bakit ba ang sistema'y kaylupit?
sa mga obrero't maliliit?

sinusumbatan ko ang sarili
kung bakit laging di mapakali
nakikitang di kawili-wili
ay walang magawa sa salbahe

kaya kumilos na, magsikilos
bago bansa'y muling mabusabos
maghanda sa pakikipagtuos
upang bansa'y ilagay sa ayos

madaling araw, kayraming nilay
nagigising na di mapalagay
dapat tayong maging mapagbantay
kung masa sa hukay ilalagay

- gregoriovbituinjr.
01.14.2024

NO TO 100% FOREIGN OWNERSHIP! NO TO CHACHA!
HUWAG MAGING ISKWATER SA SARILING BAYAN!

Panicky ba ang paniki?

PANICKY BA ANG PANIKI?

animo'y paniki ang panicky
nagpa-panic ka ba sa paniki
sakaling nakita mo sa gabi
at sa bahay mo'y biglang umuwi

buti kung ang paniki'y si Batman
na bayani sa Lungsod ng Gotham
na mas matinik pa kay Superman
na talaga ring sagad sa gulang

napag-usapan lang naman natin
ang paniki sa gabing madilim
di naman nang-aano sa atin
ngunit bida sa gabi ng lagim

ah, tara na kayang magsitulog
baka ito'y mali lang na kutob
sakaling paniki'y mambulabog
sa kumot kaya'y magsisisukob?

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

* litrato mula sa app na Word Connect