Huwebes, Disyembre 9, 2010

Mga Taong Paniki (Bat People)

MGA TAONG PANIKI (BAT PEOPLE)
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan natutulog silang dukha
umulan ma't umaraw, napapariwara

lagi pang giniginaw sa lamig ng gabi
lagi pang nanginginig sa lagim ng gabi

walang katiyakan ang iwi nilang buhay
hanggang gawing bubong ang ilalim ng tulay

ilalim ng tulay ang ginawang tahanan
akala mo'y paniking doo'y nananahan

ilalim ng tulay na ang dala'y panganib
ang kaylalim na tubig ang naninibasib

minsan may mga bata ngang muntik malunod
minsan may anak silang muntik nang malunod

mabuti't maagap yaong naninirahan
mabuti't ganap nila itong namalayan

tulay na daraanan ng malalaking trak
tulay na tahanan ng mga hinahamak

di nila ginustong maging taong paniki
ngunit doon pinadpad ng lipunang imbi

sa ilalim ng tulay pa ri'y nangangarap
na magbabago ang buhay sa hinaharap

kikilos sila kasama ang ibang dukha
upang baguhin itong lipunang kaysama

dapat taong paniki'y mawalang tuluyan
dahil totoong bahay na ang tinitirhan