Linggo, Mayo 1, 2016

Itatatag ng manggagawa

ITATATAG NG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

itatatag ng manggagawa ang isang lipunang
walang mapagsamantala't walang mga gahaman
ito'y isang pangarap na dapat pagsumikapan
upang maging ganap para sa bukas nating asam

itatatag ng manggagawa ang isang gobyerno
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
ito'y isang pangarap na animo'y paraiso
nagtatamasa ng ginhawa ang lahat sa mundo

Bawat martir ng kilusang paggawa

BAWAT MARTIR NG KILUSANG PAGGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bawat martir ng kilusang paggawa
ay tunay na bayaning pinagpala
natatangi sila't kanilang diwa
sa kilusang ito'y nagpasimula
kahit burgesya’y labis ang paghanga
sa pagkakaisa ng manggagawa
dinanas nila'y mga halimbawa
kung paano ilaban ang adhika
kung paanong puno ng dusa't luha
ang pakikibaka laban sa sigwa
aral nila'y dapat ginugunita
ng mga aktibista't manggagawa
ipanalo ang lipunang malaya
para sa kinabukasan ng madla

Kung biktima ng kontraktwalisasyon

KUNG BIKTIMA NG KONTRAKTWALISASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano bubuhayin ang pamilya ngayon
kung biktima tayo ng kontraktwalisasyon
patuloy pa ang sistemang globalisasyon
kung saan pamahalaan ay nagugumon
mababanaag kaya ang bagong panahon
matapos iraos ang nagdaang eleksyon