Lunes, Enero 18, 2010

Pag Kumatok ay Di Mo Kilala

PAG KUMATOK AY DI MO KILALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

kakatok sa pinto, magpapakilala
kalan nyo't gasul daw ay tsetsekin nila
kapag nasa loob na ng bahay sila
kayo'y tututukan na't holdaper pala

kakatok sa pinto, sila raw ay saksi
ng Diyos kaya kayo agad magsisi
alok ay magasin, ikaw na'y bumili
ngunit mag-ingat sa kanilang salisi

kakatok sa pinto, alok ay home service
body scrub, foot spa, masaheng Swedish
ngunit mag-ingat, kamay nila'y kaybilis
sa bahay nyo mismo ikaw'y tinitiris

kakatok sa pinto, huwag papasukin
kung di mo kilala at baka salarin
matatamis na salita'y huwag dinggin
di mo alam, ikaw ang bibiktimahin

kayrami ng ganitong mga balita
binibiktima ng sindikato'y madla
nasalisihan, nanakawan, lumuha
mga biktima'y sadyang natutulala

sa isip nila ikaw'y tatanga-tanga
at kayang-kaya ka nilang mabiktima
huwag papasukin ang di mo kilala
batas itong dapat ay tandaan mo na

Mga Gamit ng Kutsara

MGA GAMIT NG KUTSARA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

noong una tayo'y naghihinaw
bago kumain ng luto't hilaw
ngunit ngayon ito'y nag-iba na
pagkat kailangan na'y kutsara

kutsara na ang katulong natin
sa pagsubo ng ating pagkain
kaya ang kutsara'y inimbento
para lamang sa layuning ito

ngunit marami pa palang gamit
itong kutsara sa nagigipit
pwede itong gamiting panggayat
ng mga kamatis at sibuyas

pamitpit ng bawang nang sumarap
ang ulam na ating nilalasap
higit sa lahat ito'y pambukas
ng serbesa't lata ng sardinas