Linggo, Setyembre 27, 2009

Halina't Sumaklolo

HALINA'T SUMAKLOLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

malala na ang nangyaring ulan
pagkat marami sa kababayan
yaong lumubog na ang tahanan
kailangan nilang matulungan

halina't tayo nang sumaklolo
sa mga sinalanta ng bagyo
kailangan nila ng tulong mo
tulong ko, magtulung-tulong tayo

halina't atin nang tulungan
yaong nasalantang kababayan
sa abot nitong makakayanan
para sa kanilang kaligtasan

sana'y makasaklolo nang sapat
hangga't hindi pa huli ang lahat

tulatext - Ondoy


ONDOY
tulatext ni greg bituin jr.
6 pantig bawat taludtod

kaylakas ng ulan
baha ang lansangan
tagbagyo na naman
walang mapuntahan
nasa tanggapan lang
o kaytagal namang
tumila ng ulan
di na mapuntahan
ang pinag-usapan

Kaytindi ng Bagyong Ondoy

KAYTINDI NG BAGYONG ONDOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

lubog ang buong Kamaynilaan
sa rumagasang kaytinding ulan
kawawa ang mga mamamayan
sa bubong ng bahay nagsampahan

mga tao'y wala nang masakyan
pagkat talagang baha sa daan
biglang lubog ng mga tahanan
sa ulang dumating ng biglaan

tingin nila ito'y katapusan
kaya marami ang nagdasalan
nananalangin ng kaligtasan
pati na mga makasalanan

sa ganitong mga kalagayan
marami ang agad nagtulungan
lumabas yaong bayanihan
upang bawat isa'y saklolohan

lubog ang buong Kamaynilaan
dahil sa bagsik ng kalikasan
maraming nawalan ng tahanan
may mga namatay ding iilan

anong nangyari sa kalupaan
bakit nagalit ang kalangitan
dahil ba ating pinabayaan
itong kalikasang naririyan

climate change nga raw ang tawag diyan
global warming din daw ang dahilan
di pa huli upang solusyunan
ang pagkasira ng kalikasan

o, halina, mga kababayan
alagaan na ang kalikasan
nang di naman mawalang tuluyan
ang nag-iisa nating tahanan

* sa pagragasa ng Bagyong Ondoy, Setyembre 26, 2009