Miyerkules, Marso 22, 2023

Tarang mananghalian

TARANG MANANGHALIAN

mga 'igan, tarang / mananghali dine
kamatis, sardinas, / talbos ng kamote
pam-vegetarian daw, / ito yaong sabi
dama ko'y lumakas / at biglang lumiksi

pagkat pampalusog / ang ulam na gulay
kamatis at talbos / na nakadidighay
at humihinahon / sa maraming bagay
kaya nagagawa / ang taglay na pakay

maraming salamat / sa nalutong ulam
ininom na tubig / nama'y maligamgam
saluhan n'yo ako / sa hapagkainan
at damhin ang sarap / ng pananghalian

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Sa narinig kong tumulang katutubo

SA NARINIG KONG TUMULANG KATUTUBO

nadama ko ang kaygandang tula
dini sa puso'y nakahihiwa
upang laban nila'y maunawa
sana'y marami pang ganyang katha

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

* ang tulang ito'y ibinahagi ko sa comment box at binasa ng moderator ng Rights of Nature General Assembly

Kwento

KWENTO

patuloy ang pagninilay sa bawat araw
habang nagbabasa'y mayroong lumilinaw
kayraming kwentong yumayanig sa pananaw
na dapat unawain upang di maligaw

dapat nga sa kapwa'y nakikipagkwentuhan
upang ang ikukwento'y may pinagbatayan
di putok sa buho o inimbento lamang
maliban kung pantasya ang kwentong minulan

magbigay tayo't suriin ang halimbawa
ng mga malaganap na kwentong pambata
hari't reyna, prinsipe't prinsesa ang katha
bakit palasak na kwento'y laging banyaga

burahin natin ang hari't reyna sa kwento
pagkat walang hari't reyna sa bansang ito
ang mayorya'y maralita't uring obrero
mayorya'y bata at kababaihan dito

magandang isulat sa kwentong makakatha
ang kwento ng masisipag na manggagawa
ang buhay ng katutubong mapagkalinga
ang tiyaga't sipag ng mga maralita

kathain ang kwento ng pamayanan natin
kwento ng mga lider nating magagaling
kwento ng pagbaka ng mga inapi rin
ng tusong banyaga't kapitalistang sakim

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Pahalagahan ang tubig

PAHALAGAHAN ANG TUBIG
(Marso 22 - World Water Day)

pinagsamang hydrogen at oxygen
ang karaniwang iniinom natin
at napuno rin ng tubig ang ating
katawan kaya tayo'y malakas din

kung walang tubig, saan patutungo
tiyak di tayo makakapaligo
at di rin tayo makakapagluto
baka wala tayo rito't naglaho

kaytindi ng oil spill sa Mindoro
saribuhay at tao'y apektado
karagatan ay nasirang totoo
may dapat talagang managot dito

di sagot ang proyektong Kaliwa Dam
para sa tubig ng Kamaynilaan
dahil mawawasak ang kabundukan
pati na lupang kanunu-nunuan

huwag gawing basurahan ang ilog,
sapa, lawa't katubigang kanugnog
dahil tubig ay búhay, umiinog
tubig ay buháy, sa atin ay handog

dinggin natin ang lagaslas ng tubig
damhin mo ang pagluha niya't tinig
palahaw niya't atin bang narinig
siya'y dinumhan, siya'y nabibikig

sa World Water Day ay ipanawagan
tubig ay dapat nating ipaglaban
huwag dumihan, huwag pagtapunan
at huwag gamitin sa kasakiman

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Madaling araw

MADALING ARAW

madalas akong nagigising ng madaling araw
pagkat musa ng panitik ang laging dumadalaw
at may paksang binubulong kundi man sinisigaw
sa kwaderno'y isusulat ang nasa balintataw

anong lamig ng panahon habang pabiling-biling
nang ikaapat ng madaling araw na'y gigising
animo yaong tinig ng musa'y tumataginting
kaya agad babangon mula sa pagkakahimbing

upang isulat ang masasalimuot na paksa
tulad nitong nakaambang demolisyon sa dukha
ang salot na kontraktwalisasyon sa manggagawa
ang dinanas na baha't luha matapos ang sigwa

anupa't ang madaling araw ko'y tigib ng buhay
pagkat kakathang may saya, libog, luha, o lumbay

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

Karumal-dumal

KARUMAL-DUMAL

karumal-dumal na krimen sa bata!
estudyanteng Grade 4 ang ginahasa!
may pari pang ganyan din ang ginawa!
nakapanggagalaiting balita!

pagkatao ng bata'y niluray na
siya pa'y pinaslang! isinako pa!
pari'y nanggahasa ng dalagita!
paano kung ama ka ng biktima?

tiyak manggagalaiti sa ngitngit
sa naganap na sadyang anong sakit!
hustisya'y ihihiyaw mo sa galit!
baka sugurin mo ang nagmalupit

di maitatago habang panahon
ang krimen ng sinumang nandaluhong
ang maysala'y tukuyin at isuplong!
dakpin, bitayin, kundi man, ikulong!

- gregoriovbituinjr.
03.22.2023

* Pinaghalawan: Dalawang balita sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 6, 2023, pahina 9, na may pamagat na "Grade 4 ginahasa na, pinatay pa" at "Pari na pinaaaresto sa rape, sumuko"