Linggo, Nobyembre 30, 2025

Pagpunta sa apat na lugar ng protesta

PAGPUNTA SA APAT NA LUGAR NG PROTESTA

mula Luneta, Mendiola, Edsa Shrine hanggang PPM
ay inikot ko ang mga iyon upang ikampanya
ang December 9 International Anti-Corruption Day
nagbabakasakaling mapabatid sa taumbayan
ang pandaigdigang araw laban sa katiwalian

ang apat na lugar ng protesta'y aking pinuntahan
habang tangan ko yaong tarpolin na magkabilaan
nalitratuhan, nabasa ng tanan, kinapanayam
paalalang ang UN ay may petsang pandaigdigan
laban sa mga mandarambong, kurakot at gahaman

umaga, Luneta; tanghali, Mendiola; hapon, Edsa
Shrine at PPM hanggang gabi, sana nama'y magbunga
ang kapangahasan ko't magsilabasan sa kalsada
lahat ng galit sa kurakot at bulok na sistema
wakasan ang korapsyon, hanggang makamtan ang hustisya

- gregoriovbituinjr
11.30.2025

* ang unang litrato ay kuha ni kasamang Warren nang magkita kami sa People Power Monument (PPM) ng hapon ng Kaarawan ni Bonifacio, ang ikalawa'y selfie ng makatang galâ

Yaman ng taas, galing lahat sa ibaba!

YAMAN NG TAAS, GALING LAHAT SA IBABA!

pinanood ko ang kanilang pagtatanghal
at napukaw ako sa kanilang liriko:
"Yaman ng taas, galing lahat sa ibaba!"
katotohanang dapat nating isadiwa

buti't binidyo ko ang pagtatanghal nila
upang katotohanan sa kanilang kanta
ay maibahagi sa malawak na masa
na nais mabago ang bulok na sistema

nabidyo ko sila sa screen sa Edsa Shrine
habang naroon ang mga senior citizens
nagtanghal ay nasa People Power Monument
kaya sa P.P.M. ako'y nagtungo na rin

sa Morobeats, taaskamaong pagpupugay
kayong rapper sa masa'y talagang kahanay
kalagayan ng madla'y batid ninyong tunay
kaya mga inawit n'yo'y buhay na buhay

mga inawit nila'y ating pagnilayan:
"Yaman ng taas, galing lahat sa ibaba!"
yumaman ang taas sa pagsasamantala
sa manggagawa, magsasaka, maralita

kaya dapat baguhin ang sistemang bulok
huwag nang iboto ang mga trapong bugok
galing sa masa'y ating ilagay sa tuktok
upang pagsasamantala'y lagyan ng tuldok

- gregoriovbituinjr.
11.30.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1AAwnWj86Q/ 

Tayo'y mga anak ni Bonifacio

TAYO'Y MGA ANAK NI BONIFACIO

ngayong araw ng bayaning Gat Andres Bonifacio
ipakitang tunay na mga anak niya tayo,
anak ng bayan, ayon iyan sa tagapangulo
ng Partido Lakas ng Masa, Ka Sonny Melencio

Supremo'y di bulag o pipi, o kaya'y nahiya
pagkat kanyang tinatag ang Katipunang dakila
nang wakasan ang pagsasamantala ng Kastila
upang bayan ay mag-alsa't tuluyan nang lumaya

salamat, Ka Sonny, sa paalala mo sa amin
kaya mga kurakot ay binabatikos man din
ang mga buwaya't buwitre sa gobyerno natin
ay raralihan, tutuligsain, papanagutin

hanggang kamtin ng bayan ang asam ng Katipunan
na malayang bansang walang mapang-api't gahaman
na walang tiwali't kurakot sa pondo ng bayan
di makakapamuno ang kurakot at kawatan

sila'y di na natin hahayaang magsamantala
di na dapat mamayagpag ang mga dinastiya
di naman tayo mararahas basta may hustisya
ang nais lang natin ay makatarungang sistema

- gregoriovbituinjr.
11.30.2025

Sa kaarawan ng Supremo

SA KAARAWAN NG SUPREMO

ako'y taga-Sampaloc
at siya'y taga-Tondo
na noon pa'y naarok
ang asam na gobyerno

makataong lipunan
di bulok na sistema 
paglingkuran ang bayan
di mga dinastiya

si Andres Bonifacio
ay dakilang bayani
sa kanya nga'y saludo
yaong ayaw paapi

at pagsamantalahan
ng mga mapanupil
na dayo't kababayan
di sila pasisiil 

sa Kastila lumaban
di nagpatumpik-tumpik
ngunit siya'y pinaslang
ng kapwa nanghimagsik

sa'yo, Gat Andres, kami'y
taos na pagpupugay
iyong pagkabayani'y
aming sinasabuhay

karaniwang tao man
ang tulad kong makatâ
naglilingkod sa bayan
upang masa'y lumayà

sa bulok na sistema
at dinastiyang sukab
ang saysay mo't pamana
sa puso'y nagpaalab

- gregoriovbituinjr.
11.30.2025