Biyernes, Marso 5, 2010

Ako'y Putik sa Matabang Lupa ng Rebolusyon

AKO'Y PUTIK SA MATABANG LUPA NG REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

ako ma'y isang hampaslupang putik
sa matabang lupa ng rebolusyon
hampaslupa akong naghihimagsik
laban sa sistemang dapat ibaon

sistemang dapat ilibing sa putik
sistemang sa atin ay lumalamon
ang pagbabago'y kaytagal nang hibik
ng masa't ito ang sa ati'y hamon

sa matabang lupa'y ating ihasik
yaong binhi ng ating rebolusyon
na mula sa diwang mapanghimagsik
upang magbago ang ating sitwasyon

ako ma'y putik sa matabang lupa
ng rebolusyong adhika ng tanan
putik akong pinatatag ng sigwa
ng maraming isyu ng sambayanan

Pag binigyan mo ng sigla ang iba

PAG BINIGYAN MO NG SIGLA ANG IBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pag binigyan mo ng sigla ang iba
sarili mo ang binibigyang sigla
kaya ang mang-aawit pag kumanta
ramdam ng masa ang tonong may luha
kaya ang makata pag bumigkas na
ramdam ng masa ang kanyang tinula
kaya bigyang sigla natin ang iba
upang tayo rin ay maging masigla

Ang Buhay ay Litrato

ANG BUHAY AY LITRATO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Life is like posing for pictures, we pose the way we want to be seen by others, but stolen shots are better. They capture who we really are.

okey, wan-tu-tri, ismayl en sey chiz, klik

ang buhay ay tulad din ng litrato
pinupustura natin kung paano
nais natin na makilala tayo
ng ating kapwa at ng ibang tao

okey, wan-tu-tri, ismayl en sey chiz, klik

tulad ng litrato ang buhay natin
mag-aayos sa harap ng salamin
bago tumahak doon sa landasin
nang di mapahiya ang pusong angkin

klik, klik, klik, wala nang paalam, klik, klik

ngunit mas mabuti ang stolen shot
nakaw man ang pag-klik, ang kuha'y sapat
dito'y tiyak makikita kang tapat
kung ano ka ba talaga sa lahat

ito'y mga nakaw na kuha, klik, klik

bawat litrato ay katotohanan
sino nga ba tayo'y masisilayan
kung may itatago'y agad iwasan
pagkat klik ng litrato'y katunayan

Katha ng haraya

KATHA NG HARAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

naglalambing pa rin ang haraya
hanap ang magagandang kataga
na punung-puno ng talinghaga
nang malikha ang mga salita
ngunit kadalasan ang may-akda
naroong nakapangalumbaba
habang ang salita'y hinihiwa
kaya nagdurugo yaong katha
habang nangangasim pati dila
ayaw ng makatang mabutata
kaya sa wika'y nakikidigma
nang malikha'y tula ng paglaya

* haraya - salitang Tagalog sa "imahinasyon"

Sa Pagdaing

SA PAGDAING
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag tayo'y dumaing, ayaw ng may balakid
tulong sa atin ay nais agad mahatid

ngunit pag dinaingan, kamay nati'y pinid
ayaw bigyan ang kapwa't laging nauumid

ang ganito ba'y salamin ng pagkaganid?
at sa pagkatao'y nagsisilbing salabid?

ang katotohanang ito'y di na nga lingid
sa ating kababayan at mga kapatid