Miyerkules, Marso 18, 2015

Ang makata'y iba sa persona sa tula

ANG MAKATA'Y IBA SA PERSONA SA TULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sari-sari ang persona sa tula
na naliliha ng abang makata
narinig natin ang hikbi ng dukha
pati na panaghoy ng manggagawa
patay na'y kanyang napagsasalita
pati hibik ng bawat nangawala

sari-sari ang bidang nalilikha
manggang hilaw na binabad sa suka
kawayang sa langit nakatingala
mabibining anghel na isinumpa
babaeng kiri, mga dalahira
pati mga nag-aaral na bata

pag nagsalita ang dukha sa tula
nakasalubong mo'y tinig ng dukha
di iyon tinig ng abang makata
siya lamang ang sa tula'y kumatha

kung ang makata'y isang aktibista
siya lamang ang lumikha ng bida
bidang may tindig, sariling pag-asa
kaya makata'y iba sa persona

sino ang persona sa tula? dukha!
anak-dalita ang nagsasalita
makata ba'y dukha? hindi, di dukha!
siya lamang ang sa tula'y kumatha