Sabado, Enero 11, 2025

Tagumpay

TAGUMPAY

oo, ilang beses mang dumating
kaytinding kabiguan sa atin
tayo'y magpatuloy sa layunin
tagumpay ay atin ding kakamtin

iyan ang bilin noon ni ama
noong siya ay nabubuhay pa
magsikilos tayong may pag-asa
at huwag namang magkanya-kanya

kapwa'y huwag hilahing pababa
dapat ay sama-samang paggawa
kahit kayo man ay maralita
ay magkapitbisig kayong sadya

sana'y kamtin natin ang tagumpay
sama-sama, di hiwa-hiwalay
ibahagi ang galing at husay
hanggang ginhawa'y tamuhing tunay

- gregoriovbituinjr.
01.11.2025

* mula sa cryptogram ng Philippine Star, 10 Enero, 2025, pahina 10
* "It is hard to fail, but it is worse never to have tried to succeed." ~ Theodore Roosevelt

Kasaysayan

KASAYSAYAN

bilin ni Oriang sa kabataan:
matakot kayo sa kasaysayan
walang lihim na di nabubunyag

isang patnubay ang kanyang bilin
tungkulin sa bayan ay ayusin
at gawain nati'y paghusayin

sa kasaysayan tayo'y matuto
para sa kapakanan ng tao
huwag ulitin ang mali nito

si Gat Andres na ating bayani
tulad nina Rizal at Mabini
nagawa sa bayan ay kayrami

O, kasaysayan, isinulat ka
para sa bayan, para sa masa
di para sa mapagsamantala

- gregoriovbituinjr.
01.11.2025