Miyerkules, Marso 31, 2021

Lockdown at kalusugan

lockdown ay huwag tratuhing panahon ng bakasyon
kundi paano bubuhayin ang pamilya ngayon
suriin ang lipunan, huwag sa lockdown makahon
pag-isipan kung paano tayo makakaahon

lockdown ay hindi rin naman solusyon sa pandemya
pantapal na solusyon lang ito para sa masa
talagang solusyon ay paunlarin ang sistema
ng kalusugan na makakaagapay ang iba

di ba't dapat lakihan ang badyet sa kalusugan?
di ba't buong health care system ay paunlarin naman?
di ba't dapat libre ang mass testing sa mamamayan?
di ba't contact tracing ay paigtingin, pag-igihan?

may lockdown upang di tayo magkahawaang tunay
upang malayo sa sakit at di agad mamatay
lockdown ay panahon upang tayo'y makapagnilay
lalo't dahil sa pandemya'y di tayo mapalagay

Pandaigdigang Araw ng Kalusugan sa Abril
ikapito, dapat may pagkilos na rito dahil
dapat tuligsain ang palpak na rehimeng sutil
na pagpatay lang ang alam, dapat itong mapigil

- gregoriovbituinjr.

Ang solong halaman sa semento

ANG SOLONG HALAMAN SA SEMENTO

tumutubo rin kahit sa semento ang halaman
na tanging nagdilig at nag-alaga'y kalikasan
nagsosolo lang sa ilang, kaya aking kinunan
katulad niya'y tubo rin ako sa kalunsuran

na di katulad ng ibang lumaki sa probinsya
may bukid, may dagat, kaya kabataa'y kaysaya
kinagisnan ko naman ay aspaltadong kalsada
sa daming sasakyan, nakikipagpatintero pa

mabuti't dalawang beses lang akong nadisgrasya
nabundol ng dyip ng Balic-Balic sa edad lima
sa edad sampu'y nabangga naman ng bisikleta
at tumilapon akong walang malay sa kalsada

kalikutan ng kabataan, solong dumiskarte
nabarkada'y mga haragan at kapwa salbahe
naging aktibista, nagbago, ganyan ang paglaki
ngayon ay nakikibaka't sa bayan nagsisilbi

gaya ng solong halamang tumubo sa semento
na naging matatag sa mga dumaang delubyo
ako'y naging matatag sa bawat problema't isyu
kaya pinaglalaban ay lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Paskil sa isang dyip

PASKIL SA ISANG DYIP

sa unahan ng dyip sumakay ako
nang mapansin ang ipinaskil dito
"Walang lunas sa taong inggitero"
aba'y kaytindi ng hugot na ito

kaya nilitratuhan ko na lamang
paalala sa mga salanggapang
paalala rin sa tuso't gahaman
inggitero'y kapatid daw ng swapang

makuntento kung anong meron ka
at huwag nang kainggitan ang iba
walang lunas sa inggit, paalala
at kaygandang payo sa isa't isa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa isang dyip

Hila mo, hinto ko sa tamang babaan

HILA MO, HINTO KO SA TAMANG BABAAN

doon lang ako umupo sa loob ng sasakyan
habang samutsari ang tumatakbo sa isipan
nang mabasa ang karatula sa pinagsabitan
nasulat: Hila Mo, Hinto Ko sa Tamang Babaan

payak lamang ang kahilingan ng tsuper na iyon
sa mga pasahero, hilahin ang lubid doon
at ipapara niya kung saan ka paroroon
sa tamang babaan lang bumaba, ako'y sang-ayon

di maaaring ipara sa gitna ng kalsada
o sa alanganing lugar at baka madisgrasya
sa tamang babaan ka ibababa, ipapara
upang pasahero't tsuper ay di kakaba-kaba

at sa ganitong paalala'y maraming salamat
iniingatan tayo'y dapat din tayong mag-ingat

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa isang dyip