Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Hapunan

HAPUNAN

sa aking lungga'y tigib ng lumbay
pagod sa mahabang paglalakbay
sa kawalan ay may naninilay
habang dito'y nagpapahingalay

at maya-maya'y maghahapunan
upang maibsan ang kagutuman
diwa'y tumatahak sa kawalan
di malaman ang patutunguhan

hanggang isa-isang isusubo
yaong mga ulam na niluto
hanggang unti-unti nang maglaho
yaong gutom at pagkasiphayo

babawiin ang nawalang lakas
tatahakin din ang ibang landas
upang kagutuman ay malutas
at maitayo'y lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Pebrero

PEBRERO

ang buwan ng Pebrero'y pag-ibig
kaya raw nangangamoy pinipig
na si Maganda at si Makisig
ay talaga raw nagkakaniig

katorse'y araw ng mga puso
kaya ang diwata'y sinusuyo
pag-ibig na sana'y di maglaho
mahalagang ito'y laging buo

upang di gumuho ang pangarap
marating ang kabila ng ulap
ang lipunang dapat na malasap
ang ginhawang tila ba kay-ilap

ah, ngayon ay Pebrero na pala
imbes na dapat, kayraming sana
sana'y tuloy pa rin ang pagsinta
sana'y kamtin ang tunay na saya

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Sa paglalakad

SA PAGLALAKAD

palakad-lakad kung saan-saan
baka ang hanap ay matagpuan
nag-uusisa ng kung anuman
baka sa loob ay makagaan

dahil ang hanap ay mahalaga
upang wala nang magsamantala
upang gintong sibuyas at luya
ay magmura't di na mapamura

mahirap mang kamtin ang pangarap
ay patuloy pa ring nagsisikap
mabatid lang ang dapat na sangkap
upang malasap ang tamang sarap

sa paglalakad ko'y nababatid
ang pakitungong di laging umid
kaysarap ng damang inihatid
pag nalampasan yaong balakid

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Pinagkaitan

PINAGKAITAN

muli kong napansin sa isang pagtitipon
kung ano talaga ang pagtingin sa tula
hiniling ko mang bumigkas ng tula roon
ay nakalimutan, may tula mang hinanda

anong sakit niyon, sinarili ko na lang
buti pa ang mga grupo ng mang-aawit
nakapagtanghal, makata'y di napagbigyan
gayong paksa'y lapat, pagtula'y pinagkait

baka sa harap lang ng mahilig tumula
nararapat na aming katha'y iparinig
unawa na lang, kaysa magmukhang kawawa
ilathala na lang ang dapat isatinig

minsan, ganyan ang mapait na karanasan
kaya nang minsang may nag-anyaya sa akin
sa tulaan, iyon na'y aking tinanguan
kahit milya-milya pa ang layo sa amin

pagkat isang pambihirang pagkakataon
upang mabigyang katuturan ang sarili
kaya paghahandaan kong mabuti iyon
baka sa tulad lang nila ako may silbi

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Pamasahe

PAMASAHE

payak lang naman ang panawagan
malimutan mo na ang magselpon
ngunit pamasahe'y huwag naman
haha, natamaan ka ba roon?

kung wala mang paki ang marami
alam ng tsuper sino nang bayad
subalit ang madalas mangyari
may di pala nakabayad agad

magbayad na nang di mapahiya
kahit magselpon, maging alerto
at baka sa agarang pagbaba
sigawan kang "Hoy, pamasahe mo!"

saka mo sasabihing "Sorry po!"
at saka itatago ang selpon
pagkapahiya'y sadyang siphayo
namula ka man ay huminahon

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Almusal

ALMUSAL

tara nang kumain, kaibigan
ako naman ay iyong saluhan
at mainit-init pa sa tiyan

tarang kumain bago umalis
patungo sa papasukang opis
mahirap nang sa gutom magtiis

gaano man kasimple ang ulam
sa gutom nama'y nakakaparam
at sikmura'y di basta kakalam

pagkaing karaniwan at payak
nang di naman gumapang sa lusak
pag nabusog pa'y iindak-indak

huwag magpakagutom - ang payo
nang di makadama ng siphayo

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023