Biyernes, Abril 8, 2016

Pangangalampag laban sa gutom

PANGANGALAMPAG LABAN SA GUTOM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kalampagin iyang mga bingi sa kalagayan
ng mga magsasaka nating bayani ng bayan
halina't mangalampag na laban sa kagutuman
dahil sa epekto ng El Niño sa kalikasan

ngunit bakit nila pinaslang yaong magsasaka
na dahil sa gutom ay kumilos at nagprotesta
hingi nito'y bigas, bigay sa mga ito'y bala
ganito ba'y makatao, nasaan ang hustisya?

kagutuman ay masalimuot, sala-salabid
ngunit dapat unawain ang gutom na kapatid
dapat nang lutasin ang problema't mga balakid
katarungan nawa'y kamtin ng mga magbubukid

Sigaw ng magsasaka: Bigas, Hindi Dahas!

BIGAS, HINDI DAHAS

matitino bang tao silang mga mararahas
dahas ang tugon nila sa nanghingi lang ng bigas
nasa kapangyarihan ba'y sadyang talipandas
at mga puso't utak nila'y tila namamanas

unawaing mabuti ang epekto ng el niño
na dapat pangunahing ginagawa ng gobyerno
upang maiparating nilang maayos sa tao
ang agarang paglilingkod at tunay na serbisyo

sinong di kikilos kung sa gutom na'y mamamatay
ang iyong pamilya, sino ang totoong karamay
gobyerno bang dapat sandigan ng serbisyong tunay
ang nangunang sumikil sa karapatan at buhay

di ba nila ramdam iyang sigaw ng magsasaka?
bigas ang hinihingi, hindi dahas, hindi bala!
managot ang nagkasala! sigaw nami'y HUSTISYA!
panahon nang magkaisa't baguhin ang sistema!

- tula at litrato ni gregbituinjr./040816

Kalampagin ang inutil na pamahalaan

KALAMPAGIN ANG INUTIL NA PAMAHALAAN

paano ba kakalampagin ang isang inutil?
inutil nga, eh! ang damdamin kaya nito'y siil?
walang pakiramdam sa nangyayari sa paligid
walang pakialam sa nangyayari sa kapatid!

ang hinihingi lang ng mga magsasaka'y bigas
bakit agad tugon ng pamahalaan ay dahas
ah, dapat ngang kalampagin itong pamahalaan
pagkat siya'y tulog, bingi, ungas, di ko malaman

pangangalampag na ito'y pagbabakasakali
na ang walang pakiramdam ay maging taong muli
at damhing ang mga magsasaka ang pinagpala
nang tayo’y may isaing buhat sa sipag sa lupa

bayan ay nagbabakasakaling maisatinig
nangangalampag upang hinaing nila'y marinig
ngunit kung pamahalaan nga'y sadyang bingi’t bulag
ibagsak na sila’t di sapat ang pangangalampag

- tula at litrato ni gregbituinjr./040816