Sabado, Oktubre 9, 2021

Pamumuno

PAMUMUNO

pag binigyan ka ng pambihirang pagkakataon
ng kasaysayan upang mamuno, kunin mo yaon
huwag mong tanggihan pagkat para sa iyo iyon
kusa mong tanggapin ang sa kakayahan mo'y hamon

sayang ang mga pagkakataong pinalalampas
di naman mula kay Eba ang bigay na mansanas
o kaya'y ang binantayan ni Juan na bayabas
huwag kang mahiya, kaya mong mamuno ng patas

iyan ang tangan kong prinsipyo't ipinapayo ko
pambihirang pagkakataon ba'y tatanggihan mo?
huwag mong hayaang liparin lang ng hangin ito
tanggapin ang pagkakataong dumapo sa iyo

lalo't mamumuno't magsisilbing tapat sa bayan
di tumulad sa ibang nagpapalaki ng tiyan
kain, tulog, at pulos bisyo lamang sa katawan
pamumuno naman ay iyo ring matututunan

mag-aral ka, at ilibot sa paligid ang mata
lipuna'y suriin, makisalamuha sa masa
kung may pagkakataong mamuno, tanggapin mo na
tanging payo'y maging patas at makatarungan ka

- gregoriovbituinjr.
10.09.2021

Ang layon

ANG LAYON

sabi ng kasama, bumalik na akong Maynila
dahil maraming tungkulin kaming dapat magawa
akong sekretaryo heneral nga'y dapat bumaba
upang mga samahan ay atupagin kong sadya

tiyaking gumagana ang bawat organisasyon
tiyaking tinutuloy ang mga programa't bisyon
walang problemang balikatin kong muli ang layon
ngunit pakasuriin muna ang aking sitwasyon

ang una, di ganoon kadali ang kahilingan
di naman ako nagbakasyon lang sa lalawigan
na-covid na, namatay pa ang hipag at biyenan
tapos si misis ay basta ko na lang ba iiwan?

sa ilang samahan ako'y sekretaryo heneral
sa grupong dalita't dating bilanggong pulitikal
kalihim ng Kamalaysayan, grupong historikal
mga tungkulin kong niyakap kapantay ng dangal

di pa maayos ang lahat, ngunit gagampan pa rin
pagkat ako'y dedikado sa yakap na mithiin
di ako sumusuko sa pagtupad sa tungkulin
subalit kalagayan ko sana'y pakasuriin

sa Kartilya ng Katipunan ay nakasaad nga
anya, "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa,"
kaya dapat kong gampanan ang aking sinalita
kung ayaw kong lumabas na taong kahiya-hiya

hintay lang, mga kas, at maaayos din ang lahat
nanghihina pa ang leyon, na layon ay matapat
ayokong bumabang kalusugan ko'y di pa sapat
ngunit nasaan man ako, sa layon ay tutupad

- gregoriovbituinjr.
10.09.2021

Chair Chito Gascon, CHR

CHAIR CHITO GASCON, CHR

taaskamaong pagpupugay at pasasalamat, 
Chair Chito Gascon, pagkat tunay kang tagapagmulat
ng karapatang pantaong pinaglaban ng tapat
upang panlipunang hustisya'y kamtin ngang marapat

ah, isa ka nang moog sa karapatang pantao
na kinamuhian man ng pangulong butangero
ay di natinag bagkus ay matatag hanggang dulo
dignidad ng kapwa'y ipinagtanggol mong totoo

nakasama ka namin sa samutsaring labanan
lalo't due process of law ay lantarang di ginalang
lalo sa tokhang na dinulot ay laksang patayan
lalo't kayraming pamilyang sigaw ay katarungan

salamat sa buhay mong sa bayan mo na inalay
katawan ma'y nawala, hanggang huli'y nakabantay
upang karapatang pantao'y di yurakang tunay!
muli, Chair Chito Gascon, taasnoong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
10.09.2021