Biyernes, Hunyo 3, 2022

Soneto 71

SONETO 71
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg)

Huwag akong ipagluksa / kapag ako na'y pumanaw
Kaysa marinig pa ninyo'y / kalampag ng kampanilya
At sa mundo'y magbabalang / tuluyan akong nawalay
Sa daigdig na ngang ito't / mga uod na'y kasama.
Na pag taludtod na ito'y / nabasa mo, 'wag limutin
Yaong kamay na sumulat / nito't kita'y iniibig,
Ako sa'yong tamis-diwa / kung sakali'y lilimutin 
Kung isipin mo rin ako't / pag-aalala'y sumalig.
O, kung (aking sinasabing) / iyong tingnan yaring tula,
Kung (sakaling) ako'y agad / sa putik na'y naibaon
'Wag labisan ang mabanggit / yaring ngalang abang sadya
Iluhog mo'y sintang tapat / buhay ma'y maagnas doon.
Baka tusong mundo'y masdan / ang hikbi mo't dalamhati
Kutyain kang kasama ko / kapag ako na'y nasawi.

06.03.2022

Tugmaan batay sa aralin sa katutubong pagtula:
abab - katinig na mahina a; patinig na walang impit a;
cdcd - katinig na mahina i; katinig na malakas i;
efef - patinig na may impit a; katinig na mahina o;
gg - patinig na may impit i.

SONNET 71
from the book The Sonnets, by William Shakespeare, Collins Classics

No longer mourn for me when I am dead
Than you shall hear the surly sullen bell
Give warning to the world that I am fled
From this vile world with vilest worms to dwell; 
Nay, if you read this line, remember not
The hand that writ it; for I love you so, 
That I in your sweet thoughts would be forgot, 
If thinking on me then should make you woe.
O, if (I say) you look upon this verse, 
When I (perhaps) compounded am with clay,
Do not so much as my poor name rehearse,
But let your love even with my life decay,
Lest the wise world should look into your moan, 
And mock you with me after I am gone.

Pagmumuni

PAGMUMUNI

I

patumpik-tumpik pa rin sa gaod
habang nananakit ang gulugod
nasa balsa'y nagpapatianod
aba'y di ito nakalulugod

kundi'y sabay-sabay malulunod
kung basta na lang maninikluhod
sa naghahari-hariang "lingkod"
nasa tabing-tabi'y di umisod

II

babasahin ko ang pangungusap
ng makatang lumaki sa hirap
baka makuha sa isang iglap
ang taludtod niyang hinahanap

baka maluha sa isang irap
ng dalagang aking pinangarap
buhay ko man ay aandap-andap
ngunit ayokong kita'y maghirap

III

nais kong mag-araro sa bukid
kasama yaong mga kapatid
kahit paano'y may nababatid
nang gutom ay tuluyang mapatid

anong sarap ng amihang hatid
ng hanging sa akin makaumid
ay makakalikha rin ng lubid
pag pinagsama'y laksang sinulid

IV

sa putikan na nga nagtampisaw
yaong kaysipag niyang kalabaw
na nag-araro ng buong araw
habang uhay ay nagsisisayaw

buti't binti na'y naigagalaw
kanina, pulikat ay humataw
mabuti nang salawal ay lawlaw
huwag lamang binabalisawsaw

- gregoriovbituinjr.
06.03.2022

Alimpungat

ALIMPUNGAT

di ako makaparada roon
habang pinuputakti ng lamok
yaring sugat kong namuo noon
nang magbalantukan na'y umumbok

guniguni'y pawang pangitain
na pakiramdam ko'y di maatim
habang kayrami nila sa hardin
doon nagsisiksikan sa lilim

bigla akong naaalimpungat
sa mga nag-indakang liwanag
tila walang tulog, ako'y puyat
subalit nanatiling matatag

anila, aanhin pa ang damo
naalala habang nakatungo
kung namatay na raw ang kabayo
aral bang ito'y saan nahango

maliligtasan din ang pandemya
at anumang kaharaping sigwa
bantayan ang nagbabagong klima
sa panahong ating iniinda

- gregoriovbituinjr.
06.03.2022